MANILA, Philippines – Inaprubahan ng lokal na pamahalaan ng Palawan ang 50-taong moratoryum sa pag-isyu ng bagong mining permits, isang hakbang na sinasabing hindi maaaring baligtarin ng pambansang gobyerno.
Kilala bilang isang UNESCO biosphere reserve, ang Palawan ay mayaman sa biodiversity ngunit nahaharap sa banta ng malawakang pagmimina para sa mga mineral tulad ng nickel.
Matagal nang tinututulan ng mga environmental groups at lokal na komunidad ang mga bagong proyekto sa pagmimina dahil sa epekto nito sa pagkalbo ng kagubatan, pagbaha, at paglikas ng mga katutubong mamamayan. Sa kasalukuyan, may 11 minahan ang aktibo sa lalawigan, habang marami pang aplikasyon ang nakabinbin.
Kasama rin sa moratoryum ang 25-taong pagbabawal sa pag-renew o pagpapalawak ng mga umiiral na mining licenses. Ang mga kasalukuyang minahan ay maaaring magpatuloy hangga’t hindi nila pinalalaki ang produksyon o lumalawak sa bagong teritoryo.
Ayon kay environmental lawyer Grizelda Anda, nakasaad sa Philippine Mining Act of 1995 na kinakailangan ang pag-apruba ng lokal na pamahalaan para sa anumang aktibidad ng pagmimina, kaya’t mahirap itong baligtarin ng pambansang awtoridad.
Bagamat malawak ang suporta para sa hakbang na ito, binatikos ito ng Chamber of Mines of the Philippines, na nagsasabing nililimitahan nito ang kakayahan ng bansa na gamitin ang yamang-mineral sa kabila ng tumataas na pandaigdigang demand.
Gayunpaman, posibleng mabago ang desisyong ito pagkatapos ng mid-term elections sa Mayo, lalo na kung magkakaroon ng malaking pagbabago sa komposisyon ng lokal na konseho. Santi Celario