MANILA, Philippines – Pinuri ng Tingog party-list ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12124 o ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP), na magbubukas ng bagong oportunidad sa manggagawa, overseas Filipino worker (OFWs), skilled professionals, at lifelong learners na makakuha ng college degree kung saan kikilalanin ang kanilang kasanayan sa trabaho, at mga dinaanang non-formal learning.
Nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 3, 2025, ang panukala na inakda nina Tingog Partylist Representatives Yedda Romualdez at Jude Acidre
Sa ilalim ng ETEEAP ay kikilalanin ang mga natutunan hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa mga karanasan sa aktwal na pagtatrabaho.
Sa pamamagitan ng programa ang mga kwalipikadong indibidwal ay maaaring makakuha ng kanilang undergraduate at special graduate degrees batay sa kanilang kasanayan, karanasan sa trabaho at non-formal education na sasalain batay sa umiiral na pang akademikong panuntunan na itinakda ng Commission on Higher Education (CHED).
Para kay Rep. Yedda Romualdez ang batas na ito ay tagumpay para sa bawat Pilipinong manggagawa, magulang at OFW na isinantabi ang sariling edukasyon para buhayin ang kanilang mga pamilya.
Direktang makakabenepisyo sa ETEEAP ang mga sumusunud:
• Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtayo ng mga karera sa ibang bansa sa kabila ng hindi kumpletong edukasyon;
• Mga bihasang manggagawa sa industriya ng konstruksyon, manufacturing, at serbisyo;
• Mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan at caregivers na may mga taon ng karanasan;
• Mga negosyanteng nagtayo ng mga negosyo sa pamamagitan ng karanasan at self-learning;
• Mga magsasaka at mangingisda na nakakuha ng malalim na kadalubhasaan sa pamamagitan ng kasanayan at tradisyon;
• Mga pinuno ng komunidad at mga boluntaryo na ang kaalaman ay nagmula sa paglilingkod at gawaing pagtataguyod.
Salig sa bagong batas, bibigyang kapangyarihan ng CHED ang mga higher education institutions (HEIs) para magbukas ng ETEEAP programs, isailaim sa ebalwasyon ang trabaho at kasanayan, magsagawa ng mga assessment kung kinakailangan at maggawad ng degree sa mga kwalipikadong indibidwal.
Ang mga Filipino citizen, nakabase man sa Pilipinas o abroad ay maaari mag-apply asa ETEEAP kung sila ay:
• Hindi bababa sa 23 taong gulang sa panahon ng application;
• Nakatapos ng sekundarya (sa pamamagitan ng pormal na eskuwela, Philippine Educational Placement Test, o Alternative Learning System);
• At may hindi bababa sa limang taong karanasan sa trabaho na may kaugnayan sa degree na kaniyang nais kunin. Gail Mendoza