MANILA, Philippines – Hindi nag-iisa si Mary Grace Piattos, ang kontrobersyal na pangalang tumanggap ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang ibinunyag ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega matapos silipin ang mga annex ng impeachment complaint na inihain laban kay Duterte sa Senado.
Batay sa nakitang dokumento ni Ortega, nakatanggap din ng confidential fund sina “Pia Piatos-Lim” at “Renan Piatos.”
Sinabi naman ni Ortega na hindi tulad ni Mary Grace Piattos, ang Piatos nina Pia at Renan ay mayroon lamang isang letrang “t”.
Ayon kay Ortega lumabas din ang pangalang“Xiaome Ocho” sa mga binigyan ng confidential fund, na tila hango sa Xiaomi brand ng cellphone.
Tulad ni Mary Grace Piattos, sinabi ni Ortega na wala ring anumang birth, marriage, o death records sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga pangalang ito.
Ngunit hindi lang sa mga pangalan na may kaugnayan sa meryenda natigil ang isyu, ani Ortega.
“Ang akala natin, isang pangalan lang ang katawa-tawa sa listahan ng confidential funds recipients. Pero mukhang may buong pamilya na ng ‘Piattos’ at pati isang cellphone model na nakasama,” ani Ortega.
“You’ll be torn between laughing and getting furious when you see ‘Xiaome Ocho’ on the list,” diin ni Ortega. “
Ayon kay Ortega, ang impeachment complaint, na naipasa na ng House of Representatives (HOR) sa Senado para sa trial, ay may kasamang mga sertipikasyon mula sa PSA na may petsang Disyembre 8 at Disyembre 11, 2024. Sinuri ng mga dokumentong ito ang listahan ng confidential fund recipients na isinumite sa House Committee on Good Government and Public Accountability.
Base sa PSA, sa 1,992 pangalang konektado sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), 670 lamang ang may “most likely match” sa PSA records. Samantala, 1,322 indibidwal ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records (na may 536 lang na posibleng tugma), at 1,593 ang walang death records (na may 399 lamang na posibleng tugma).
“Anong klase itong confidential funds disbursement na hindi natin matukoy kung totoong tao ba ang mga tumanggap?” tanong ni Ortega. “Public funds ito, pero parang ginamit sa isang imaginary payroll.”
Sa isang pagdinig ng House Quad Comm, unang lumitaw ang pangalang “Mary Grace Piattos” nang ipakita ng Commission on Audit (CoA) na siya ang lumagda sa isang acknowledgment receipt noong Disyembre 30, 2022.
Ang transaksyong ito ay bahagi ng ₱125 milyong confidential funds na sinasabing nagastos sa loob lamang ng 11 araw.
Dahil sa mga natuklasang ito, binigyang-diin ni Ortega na dapat magbigay ng malinaw na paliwanag si Vice President Duterte. Gail Mendoza