MANILA, Philippines – Ipinapawalang bisa sa Supreme Court (SC) ang ipinagkaloob na executive clemency ng Malacañang kay dating Iloilo City mayor Jed Mabilog.
Sa inihain na 16 na pahinang petisyon sa SC, hiniling ni dating Iloilo City councilor Plaridel Nava II sa korte na ideklarang null and void ang ipinagkakoob na executive clemency ni Executive Secretary Lucas Bersamin dahil sa pagiging labag nito sa 1987 Constitution.
Hiniling din sa petisyun na pagbawalan si Bersamin, o kahit sinuman kinatawan nito na ipatupad ang executive clemency.
Iginiit ni Nava na ang iginawad na executive clemency kay Mabilog ay panghihimasok sa kasarinlan ng Office of the Ombudsman, paglabag sa procedural due process,at paglabag sa Section 19, Article VII ng konstitusyon.
Nitong Enero iginawad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive clemency si Mabilog.
Sinabi ng Presidential Communications Office na ang executive clemency ay may kaugnayan sa desisyon ng Office of the Ombudsman noong October 23, 2017 na sibakin si Mabilog matapos mapatunayan na guilty sa serious dishonesty dahil sa kabiguan na magpaliwanag hinggil sa kwestyunableng kayamanan na P8.9 million mula 2012 hanggang 2013.
Dalawang buwan bago ideklarang guilty ng Ombudsman, nilisan ni Mabilog ang Office of the Mayor at nag self-imposed exile matapos akusahan ni dating Pangulong Duterte na isang drug protector.
Sinabi ni Nava sa kanyang petisyon na mayroon dapat munang conviction by final judgment bago ginawaran ng clemency ang isang indibidual.
“As basis and in application, the President, in the Constitution, has been delegated the power to grant reprieves, commutations and pardons after conviction by final judgment,” inihayag ni Nava.
Bukod sa pagpapawalang bisa sa clemency, umapela rin si Nava sa Supreme Court na ideklara si Bersamin na nakagawa ng grave abuse of discretion. Teresa Tavares