MANILA, Philippines – Nasunog ang isang residential area sa Barangay 123, Tondo, Maynila bago magmadaling araw nitong Miyerkules.
Base sa ulat, nagsimula ang sunog bago mag-2 a.m. at agad itong lumaki, umabot sa fifth alarm.
Dakong 3:18 a.m., itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang Task Force Bravo, at makalipas ang ilang minuto—3:32 a.m.—itinataas na ito sa Task Force Charlie, na nangangailangan ng 35 fire trucks.
Sinakop ng mga fire trucks ang kahabaan ng Mel Lopez Boulevard, habang umaakyat sa bubong ang mga bumbero upang apulahin ang apoy. Tumulong din ang mga residente sa pag-apula habang sinisikap iligtas ang mga gamit nila.
Ayon sa BFP-NCR, tinupok ng apoy ang tinatayang 500 bahay, at naapektuhan ang humigit-kumulang 1,500 pamilya.
Pansamantalang sarado ang northbound lane ng Mel Lopez Boulevard mula kanto ng Moriones Street dahil okupado ito ng mga fire trucks at evacuees. RNT