
NAGSIMULA ang panahon ng tag-init nitong Marso 26, 2025, hindi maiwasang gumamit ng air condition o karagdagan electric fans sa kanilang bahay o tanggapan kaya asahang tataas naman ang konsumo sa kuryente.
Naglabas ng anunsyo ang Manila Electric Company (MERALCO) na tumaas ng Php 0.7226 kada kilowatt hour (kWh) ang singil sa kuryente ngayong Abril 2025 na umakyat na sa Php 13.0127 bawat kWh mula sa Php 12.2901 bawat kWh noong Marso 2025.
Pangunahing dahilan ng pagtaas ng singil sa kuryente ang karagdagang gastos nito sa generation charge dulot ng pagsipa ng presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) na tumaas ng Php 0.7278 bawat kWh.
Paliwanag ng MERALCO, ang masikip na suplay ng kuryente sa Luzon grid, na isinailalim sa yellow alert noong Marso 5, 2025, ang nagtulak sa pagtaas ng presyo sa WESM.
Tumaas umano ang singil ng Power Supply Agreements (PSAs) ng Php 0.2811 bawat kWh matapos ang pagtatapos ng 400 MW PSA sa pagitan ng MERALCO at Limay Power, Inc. noong Pebrero 25, 2025.
Habang ang singil naman mula sa mga independent power producer (IPP) ay bahagyang nagbaba sa kabuuang generation charge matapos bumaba ng Php 0.4738 bawat kWh.
Sabi ng MERALCO, ang WESM, PSAs, at IPPs ay bumuo ng 23 porsyento, 44 porsyento, at 33 porsyento, ayon sa pagkakasunod, ng kabuuang pangangailangan ng kompanya sa enerhiya para sa nasabing panahon.
Kasabay rin nito, tumaas ang singil sa transmission at iba pang bayarin ngayong buwan. Ang transmission fee para sa mga residential customer ay tumaas ng Php 0.0809 bawat kWh, habang ang iba pang singil, kabilang ang buwis, ay nadagdagan ng Php 0.1163 bawat kWh.
Ang pass-through charges para sa generation at transmission ay direktang ibinabayad ng MERALCO sa mga power supplier at grid operator; samantalang ang buwis, universal charges, at Feed-in Tariff Allowance ay direktang iniriremite sa pamahalaan.
Sabi pa ng MERALCO, ang para sa distribution naman ay nananatiling hindi gumagalaw mula nang ito ay ibaba ng Php 0.0360 bawat kWh para sa karaniwang residential customer simula noong Agosto 2022.
Sa dagdag singil na ito, ang komokunsumo ng 200 kWh ay aabot ang bayarin sa Php 2,300 o karagdagang Php 145.00, habang ang ang nasa 400 kWh ay nasa Php 4,800 o karagdagang Php 289.00, at ang 800 kWh ay papalo sa Php 10,100 o dagdag na Php 578.00.