MANILA, Philippines – Sinita ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa biro nito kaugnay sa pagpatay sa mga senador para magkaroon ng pwesto ang siyam na kandidato ng kanyang partido.
Ani Castro, “murder and terrorism are not a joke.”
“Nakakabahala na ang dating pangulo mismo ang nagbibigay ng ganitong mga pahayag. Hindi biro ang pagpatay. Hindi biro ang terorismo,” saad sa pahayag ni Castro nitong Sabado, Pebrero 15.
“Ang mga ganitong pahayag ay nagpapakita ng tunay na kulay ng kanilang pamamahala, na mistulang nagpapapatay o pumapatay ng sinumang kumakalaban sa kanila,” dagdag ng ACT Teachers party-list representative.
Bukod sa pahayag ni Duterte na pagpatay sa mga kasalukuyang senador, sinabi rin nito na ang tanging paraan para gawin ang mga pagpatay na ito ay ang paglalagay ng bomba.
“These are not jokes. These statements from former President Duterte are dangerous and show the true nature of how they view political opposition: as targets for elimination. This kind of violent rhetoric has no place in a supposed democratic society,” ani Castro. RNT/JGC