Home NATIONWIDE Komento ni ex-PRRD sa presyo ng bigas, sinupalpal ng solon: Wala kang...

Komento ni ex-PRRD sa presyo ng bigas, sinupalpal ng solon: Wala kang ginawa

MANILA, Philippines – Sinupalpal ni House Assistant Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa naging kritisismo nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa presyo ng bigas.

Sa proclamation rally para sa senatorial slates ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP), kung saan si Duterte ang party chair, sinabi nito na wala man lamang magawa si Marcos sa presyo ng bigas.

“Kung sa termino mo, former President Digong, walang nagawa para pababain ang presyo ng bigas. ’Wag mong itulad sa kasalukuyang termino ni Presidente Marcos. May nagagawa, may ginagawa. Pero ikaw, puro ngawa,” tugon ni Acidre.

Tinukoy ni Acidre ang deklarasyon ng food security emergency ng Department of Agriculture (DA) ngayong buwan.

Nagbigay-daan ang deklarasyong ito sa DA na maglabas ng rice buffer stocks mula sa National Food Authority para mapababa ang presyo ng bigas.

“This is not just another policy announcement. This is a nationwide mobilization of resources to bring down the price of rice. At hindi ito puro pangako. May aktwal na ginagawa,” ayon pa kay Acidre.

“Noong panahon mo, walang food security emergency declaration. Walang konkretong solusyon sa presyo ng bigas. Tapos ngayon, ikaw pa ang matapang magsalita? Kung wala kang naitulong noon, ’wag kang humarang ngayon,” pagpapatuloy ng mambabatas. RNT/JGC