Home NATIONWIDE 53 Pilipinong biktima ng human trafficking sa Cambodia, nakauwi na!

53 Pilipinong biktima ng human trafficking sa Cambodia, nakauwi na!

175
0

MANILA, Philippines – Nakauwi na sa Pilipinas ang 53 Pilipino na umano’y biktima ng human trafficking at pinilit magtrabaho sa online scam operations sa Cambodia, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Dumating ang mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 madaling araw ng Biyernes sakay ng eroplano ng Philippine Airlines mula Phnom Penh.

Ayon sa DMW, naakit ang mga biktima sa pamamagitan ng messaging app na Telegram kung saan pinangakuan sila ng trabaho at sahod na $600 hanggang $1,000 kada buwan kasama ang umano’y legal na work visa.

Sinabi ng isa sa mga biktima na pinilit silang maghanap ng 26 “love scam” clients araw-araw. Kapag hindi nila ito nagawa, pinaparusahan umano sila tulad ng pagpapagawa ng daan-daang push-ups, hindi pinapakain, at hindi pinapasahod.

Dalawa sa mga nakauwi ang agad na kinailangang bigyan ng medikal na atensyon—isa dahil sa kidney failure at isa naman na may bali sa clavicle matapos ang aksidente sa sasakyan. Dadalhin sila sa mga ospital ng Department of Health para sa karagdagang gamutan.

Ang repatriation ay isinagawa sa tulong ng Philippine embassy sa Cambodia at ng rapid response team ng DMW. Sinalubong din sila ng mga tauhan mula sa Overseas Workers Welfare Administration, Bureau of Immigration, at NAIA Task Force Against Trafficking.

Pansamantalang mananatili ang mga biktima sa isang pasilidad habang kinukuha ang kanilang mga salaysay. Bibigyan din sila ng psychosocial counseling, reintegration assistance, at transportasyon pauwi sa kanilang mga probinsya.

Paulit-ulit na nagbabala ang mga awtoridad sa mga naghahanap ng trabaho laban sa mga trafficking scheme na konektado sa mga online scam hubs sa ibang bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here