Nanindigan ang isang opisyal ng gobyerno na dapat panatilihin ng Pilipinas ang “independensya nito at huwag magpasakop sa anumang dayuhang kapangyarihan.”
Sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela na ang hostage diplomacy ay hindi tugma sa isang modernong at sibilisadong lipunan.
Ang pahayag ni Tarriela ay kasunod ng pagbitay sa dalawang Pilipino na nahatulan ng drug trafficking sa China.
Ang mga indibidwal na nagtatangkang ikonekta ang prinsipyong paninindigan ng Pilipinas hinggil sa isyu ng West Philippine Sea sa kalunos-lunos na pagpatay sa mga Pilipino sa People’s Republic of China ay malamang na naglalayong lumikha ng mga dibisyon sa mga Pilipinong gumagawa ng patakaran at sa pangkalahatang publiko, ayon Kay Tarriela .
Sinabi naman ng isang analyst na si Dr. Rommel Banlaoi, Pangulo ng Philippine Society for International Security Studies at board member ng China-Southeast Asia Research Center on the South China Sea na maaring resulta ito ng mas mahigpit na paninindigan ng Pilipinas sa maritime dispute sa WPS.
Aniya, maaring balewalain ng Beijing ang apela ng Pilipinas para sa dalawang Pilipino dahil sa mahigpit na bilateral relations .
Sinabi ng Department of Foreign Affairs na ang dalawang Pilipino ay binitay sa China noong Nob. 24 dahil sa pagdadala ng shabu na tumitimbang ng halos 12 kilo sa Guangdong noong 2013.
“China can be considerate if we were considerate also. However, we did not pay due regard to China’s national position in the West Philippine Sea. It hardened China’s position when it came to the two Filipinos,” sabi ni Banlaoi.
Sinabi rin ni Banlaoi na maaaring isaalang-alang ng Tsina ang apela ng Pilipinas na bawasan ang sentensiya ng dalawa pang Pilipino sa death row kung sisikapin ng administrasyong Marcos na mapabuti ang relasyon nito sa Beijing.
Sinabi ni Tarriela na dapat lalo pang “isulong” ng Pilipinas ang pambansang interes nito, na sumasaklaw sa mga Pilipino sa ibang bansa at ang paglaban ng bansa para sa mga karapatan sa soberanya sa pinagtatalunang karagatan.
“The two issues are not mutually exclusive,” sabi ng opisyal.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)