HAITI – Mahigit 50,000 katao na ang lumikas sa Port-au-Prince, kabisera ng Haiti sa loob lamang ng tatlong linggo matapos ang pagsiklab ng gang violence.
Ayon sa United Nations nitong Martes, Abril 2, sa pagitan ng Marso 8 at Marso 27, 53,125 katao na ang umalis sa lungsod dahilan para umakyat sa 116,000 katao ang mga lumikas at nawalan ng tirahan sa mga nakalipas na buwan.
Karamihan sa mga lumikas ay nagtungo sa timog na bahagi ng bansa.
“It should be emphasized that [the other] provinces do not have sufficient infrastructures and host communities do not have sufficient resources that can enable them to cope with these massive displacement flows coming from the capital,” saad sa ulat ng UN International Organization for Migration (IOM).
Mula noong Pebrero ay inaatake na ng mga makapangyarihang criminal gang ang mga istasyon ng pulis, kulungan, paliparan at pantalan.
Nais ng mga ito na patalsikin si Prime Minister Ariel Henry, na namuno matapos ang pagpatay kay pangulong Jovenel Moise noong 2021.
Wala pang nagiging presidente ang Haiti matapos nito.
Sa unang tatlong buwan pa lamang ng 2024 ay umabot na sa 1,554 ang nasawi at 826 ang sugatan sa karahasan na tinawag ng UN bilang “cataclysmic.”
Talamak din ang sexual violence, kabilang ang mga babae na pwersahang isinasalang sa sexual activities sa mga miyembro ng gang, panggagahasa sa mga hostage at pagpatay sa mga asawang lalaki sa harap mismo ng asawang babae. RNT/JGC