CALOOCAN CITY, Philippines – Nasa 55 kahon ng Carnival Red cigarettes na may halagang P137,390.00 ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Caloocan-PNP at ng Bureau of Internal Revenue (BIR) napaulat sa nabanggit na lungsod.
Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kasama ang mga operatiba nina Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth at Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, matapos isuko ng isang delivery rider sa pulisya ang 19 na kahon ng naturang sigarilyo na ipinakuha sa kanya sa isang paupahang bodega sa Caloocan City para dalhin sa Valenzuela City.
Hindi sumipot at hindi na rin sumasagot sa tawag ang taong tatanggap dapat ng sigarilyo kaya’t nagpasiya ang rider na isuko ito sa nagpapatrulyang tauhan ng Valenzuela Police Station Intelligence Section (SIS) sa Feliciano Road, Brgy. Ugong dakong alas-3:20 ng madaling araw.
Para matukoy ang pinanggalingan ng puslit na sigarilyo, nakipag-ugnayan sa BIR-CAMANAVA ang pulisya na dahilan para maglabas ang ahensiya ng Mission Order na magpapahintulot na inspeksiyunin ang paupahang bodega sa Brgy. 89, Caloocan Cit,y na pinanggalingan na idedeliver sanang sigarilyo sa Valenzuela City.
Sa ginawang inspeksiyon sa naturang bodega, nakumpiska ang 55 pang kahon ng King Size Class A Filter na Carnival Red cigarettes na walang BIR stamp (IRS) na nagpapatunay ng hindi pagbabayad ng buwis.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang makilala at madakip ang mga nasa likod ng pagbebenta ng puslit na sigarilyo habang ipinatatawag na rin ng pulisya ang may-ari ng paupahang bodega para hingan ng paliwanag.
Pinuri naman ni NCRPO Officer‑in‑Charge P/BGen. Christopher Abrahano si NPD Director P/BGen. Capili, mga opisyal at tauhan ng Caloocan at Valenzuela Police Stations, at BIR-CAMANAVA sa kanilang mabilis na aksiyon at pagtutulungan na nagresulta sa pagkakakummpiska sa mga puslit na sigarilyo. (Merly Duero)