Home HOME BANNER STORY 55 private school niligwak ng DepEd sa SHS voucher program

55 private school niligwak ng DepEd sa SHS voucher program

MANILA, Philippines – Tinanggal ng Department of Education (DepEd) ang 55 pribadong paaralan mula sa Senior High School (SHS) Voucher Program dahil sa mga kaduda-dudang pagsingil at di pagkakatugma ng kanilang billing at student records.

Ayon kay DepEd Project Manager III Tara Rama, simula Pebrero 2021, 22 paaralan ang tinanggal para sa SY 2021-2022, 32 para sa SY 2022-2023, at isa para sa SY 2023-2024, habang 12 pa ang iniimbestigahan.

Dahil dito, nasa P200 milyon ang hindi inilabas na pondo ng DepEd para sa SY 2023-2024.

Iniulat din na may mga paaralang nagsumite ng claim para sa mga estudyanteng lumipat na sa pampublikong paaralan, bagamat hindi pa tiyak kung lahat ay bahagi ng “ghost students” scheme.

Kasunod nito, nagsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso matapos matukoy ng DepEd ang pekeng listahan ng enrollees sa 12 pribadong paaralan sa siyam na dibisyon, na nagresulta sa P52 milyong nawalang pondo noong SY 2023-2024.

Layunin ng SHS Voucher Program na bawasan ang siksikan sa pampublikong paaralan at magbigay ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral na nais mag-enroll sa pribadong senior high schools. Santi Celario