Ginawaran si Senador Lito Lapid ng titulong “Honorary Chieftain” ng katutubong Agta sa Iriga City, Camarines Sur noong Miyerkules, Marso 5.
Ang simpleng seremonya ay dinaluhan ng mga lokal na opisyal, kabilang si Mayor Wilfredo Rex Oliva. Bilang pagkilala, binigyan si Lapid ng tradisyunal na “inabel” na gawa sa abaca at “sumagang” na sandata ng tribo.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Lapid ang kanyang matagal nang ugnayan sa Bicol, na nagsimula pa noong bata siya dahil sa kanyang stepfather na taga-Iriga. Noong nakaraang taon, idineklara rin siyang “adopted son” ng lungsod.
Kinilala ng Iriga City Council ang mga ambag ni Lapid sa pagpapaunlad ng lungsod, lalo na sa kanyang suporta sa mga katutubong mamamayan. Sa ilalim ng 2025 budget, siniguro niyang mapopondohan ang pagtatayo ng Iriga City Indigenous People’s Culture and Heritage Multi-Purpose Center sa Barangay San Nicolas.
Mahalaga kay Lapid ang kapakanan ng mga katutubo, na napatunayan sa kanyang naunang proyekto sa Pampanga, kung saan nagbigay siya ng anim na ektaryang lupa at nagtayo ng mga bahay para sa mga Aeta na naapektuhan ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991.
Bukod sa pakikipagpulong sa mga Agta, bumisita rin si Lapid sa iba’t ibang simbahan sa Albay at Camarines Sur, kabilang ang Our Lady of Peñafrancia Minor Basilica sa Naga City. Patuloy ang kanyang pag-iikot sa rehiyon bilang bahagi ng kanyang kampanya para sa ika-apat na termino sa Senado, na nakatuon sa turismo, edukasyon, at kapakanan ng mga sektor na nangangailangan. RNT