SOUTH KOREA – Patay ang isang 8-anyos na estudyanteng babae matapos itong saksakin ng isang guro sa elementary school sa Daejeon, South Korea.
Ang insidente ay nangyari nitong Lunes, Pebrero 10, bandang 5:50 ng hapon sangkot ang isang Grade 1 student at babaeng guro na nasa edad 40.
Natagpuan ang bangkay ng estudyante sa storage room ng audio-visual room ng naturang paaralan sa Gwanjeo-dong sa Seo-gu, Daejeon.
May saksak ang bata sa balikat, at mukha, habang naabutan din ang guro na may saksak sa kanyang kamay at magkabilang gilid ng leeg.
Kapwa dinala sa ospital ang guro at estudyante ngunit idineklarang patay ang batang babae.
Ang estudyante ay nasa paaralan para sa ‘caregiving class’ hanggang 4:40 ng hapon at inaasahang nasa art academy ng alas-5 ng hapon ngunit nagtaka ang mga magulang nito na wala pa ang kanilang anak pagsapit ng 5:18 ng hapon.
Dito na tumawag ang mga magulang ng pulis at agad na nagtungo sa paaralan.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.
Napag-alaman na ang guro ay kababalik lamang sa paaralan noong Disyembre 2024 matapos mag-leave sa trabaho.
Kalaunan ay inamin ng guro na siya ang pumatay sa bata, na dumaranas ng depression. RNT/JGC