Home OPINION HAKBANG NG NCRPO UPANG MATAPOS ANG SALOT NA DROGA

HAKBANG NG NCRPO UPANG MATAPOS ANG SALOT NA DROGA

BILANG paghahanda sa paparating na national drug summit, nagsagawa ang National Capital Region Police Office ng inter-agency workshop sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City nitong Mayo 16, 2024.

Para kay NCRPO regional director P/MGen Jose Melencio Nartatez Jr., maalaki ang magiging tulong ng ginawang aktibidad sa Hinirang Hall ng Camp Bagong Diwa sapagkat dinaluhan ito ng iba’t ibang personalidad mula sa iba’t ibang sector na binubuo ng komunidad, law enforcement o alagad ng batas, piskalya, korte at kulungan.

Na totoo naman sapagkat ang lahat ng dumalo ay nagbigay ng kanilang punto o obserbasyon sa problema ng pamahalaan partikular sa Metro Manila at kung paano ang mga ito mabibigyang pansin, ano ang mga hadlang upang masugpo at mga kinakaharap na problema.

Bawat sektor ay may mga personalidad na magbibigay ng mga hamon, isyu at alalahanin o problema na sila rin mismo ang mag-uusap-usap kaugnay sa kung ano ang posibleng solusyon na gagawin ng pamahalaan upang matapos na ang pamamayagpag ng salot na droga.

Lumalabas na ang bawat sektor or haligi na kumakatawan ay sinasabing kakulangan sa edukasyon ang problema kung kaya’t malala pa rin ang salot na droga sa bansa.

Pero kung tutuusin, hindi salat sa edukasyon ang mga bahagi ng pillars of justice system ng bansa ngunit ang problema ay ang kawalan ng continuity ng mga programa ng pamahalaan.

Isa pa, malaki ang kakulangan ng mga inilulunsad na programa ng pamahalaan sa information drive, digitalization, monitoring at research. Halos walang data na naipopondo kung kaya’t hindi parehas ang pagpapatupad ng ilang panuntunan.

Sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tumutuon ang kampanya laban sa droga sa rehabilitasyon na taliwas naman noong nakaraang administrasyon na nagging madugo ang “war on drugs.”

Sa kabuuan, mahusay ang ginawang workshop ng NCRPO na pinangunahan ng Regional Operations Division sapagkat ang kanilang mga inimbita ay pawang nagbigay ng kanilang rekomendasyon kung paano tatapusin ang salot na droga.

Natalakay ang stigmang iniiwan sa tao o sa drug suspect at sa pamilya nito kapag naaresto, nasampahan ng kaso, nahatulan at nakulong. Kaya naman kailangan din ang monitoring at after care kapag bumalik na sa komunidad ang mga ito.

Lamang, kulang ang kanilang inimbita. Sana, nag-imbita na rin sila ng mga opisyal mula sa local government units at hindi mula lang sa mga barangay sapagkat ang pondo ay nakasalalay sa national at local government unit.

Tulad na lang nang pagpapagawa ng mga rehabilitation centers and facilities sapagkat ito ang talagang kailangan. Bago sana inilunsad ang rehab program para sa surrenderees, dapat ay may nakahandang paglalagakan sa mga ito.

Sa pagtatapos ng workshop, nilikom at tinipon ng NCRPO ang lahat ng isyu, problema at mga hamon na kinahaharap ng pamahalaan kaugnay sa salot na droga at siyempre pa pati mga rekomendasyon na lulutas sa usapin at ihaharap sa national drug summit na gaganapin anomang araw sa katapusan ng buwan o sa unang linggo ng Hunyo.

Yan ang NCRPO, handang sumaklolo para sa kapakanan ng mga tao.