Home OPINION NANG NASUPALPAL SI JINGGOY

NANG NASUPALPAL SI JINGGOY

153
0

SA paraan nang lantarang pang-aalipusta ni Sen. Jinggoy Estrada sa Philippine Drug Enforcement Agency ex-agent na si Jonathan Morales, na sinadya niyang ipahalata sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa “PDEA Leaks,” dapat na naging handa siya sa posibilidad ng supalpalan.

Inirerespeto ko ang pagnanais ni Estrada na manaig ang kanyang kredibilidad kaugnay ng CCTV footage na iprinisinta ni Morales sa congressional panel, pero ang diretsahang pag-ungkat niya sa “criminal record” ng resource speaker ay maituturing na hayagang character assassination.

Natural lang na bumalik ito sa kanya. Ano pa bang inaasahan niya? Mayroon ngang kasabihan sa Pilipino, na hindi ko masyadong kabisado … pero parang ganito, “Galit ang… sa kapwa…” Oh, ‘yan! Parang ganoon, na hindi.

                          Magkaaway na mortal

Ang pagsasampa ni dating Sen. Antonio Trillanes ng cyber libel laban kay Harry Roque at sa ilang kilalang pro-Duterte kamakailan ay nagbibigay-diin sa sagad-butong galit ng magkabilang kampong pulitikal sa isa’t isa.

Masasabing labanan ito sa pagitan ng pangangailangang papanagutin ang may atraso, na buong tapang na ipinaglalaban ni Trillanes, at ng kalayaan sa pagpapahayag, isang solidong prinsipyo na pinanghahawakan naman ni Roque sa aspetong ligal.

Pero kahit pa magsimula at magtuloy-tuloy ang legal battle na ito, ang nawawala sa eksena ay ang katotohanan tungkol sa mga nangyaring backdoor discussions o kasunduan, kung mayroon man, sa mga Chinese ang nakalipas na dalawang administrasyon.

Ito marahil ang dahilan kaya tinatawag ni Banat By, maging ni Roque, si Trillanes bilang “attention seeker,” sinabing ang tanging layunin ng mga kasong isinampa nito ay upang magkaroon ng publicity dahil naghahanda na ang dating senador sa kanyang political campaign para sa mid-term elections sa susunod na taon.

                                Saan ‘yang si Yang?

Mistulang may kapupuntahan ang pagpupumilit ni Agusan Del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na mapanagot si Michael Yang. Ang nakababahalang mga kaugnayan na nagtuturo kay Yang, dating economic adviser ni Duterte, ay isa-isa nang nabubunyag, naglalantad sa malalimang korapsiyon at kriminalidad.

Karapatan ng Kongreso na ibuyangyang ang katotohanan kung totoong ang mga kasamahan ni Yang, na nagpapanggap na mga Pilipino, ay gumamit nga ng mga pekeng dokumento para magkaroon ng ekta-ektaryang mga lupain. Dapat usisain kung ang mga iyon ba ang nagamit sa mga iligal na aktibidad, kabilang ang pagbebenta ng iligal na droga.

Kung biglaan na lang naglaho si Yang at ang mga kasamahan niya at tumangging dumalo sa mga pagdinig, posibleng may katotohanan nga ang suspetsa ni Barbers na guilty ang mga ito.

Maaaring nalusutan at nagawang iwasan ni Yang ang mga alegasyon nang pagkakasangkot niya sa bentahan ng droga o maging ang kontrobersiyal na overpriced na transaksyon ng gobyerno sa Pharmally, pero ibang usapan ang big-time drug bust sa Pampanga, kung saan nakasamsam ng P3.8 bilyon halaga ng “shabu.”

Kung si Yang at ang koneksiyon niya sa director ng Pharmally na si Lincoln Ong — na natukoy din bilang isa sa incorporators ng Empire 999, ang kompanyang nagmamay-ari sa bodega kung saan inimbak ang kumpiskadong droga — ay nagpositibo sa pangmalakasang antas ng kriminalidad, kailangan niya talagang managot sa mga pagkakasala niya.

Panahon nang lumantad at sumuko si Yang.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here