LUMABAS sa pag-aaral ng “Milieu Insight”, isang market research and data analytic company na nakabase sa Singapore, 66% o pito (7) sa bawat sampung (10) ina na pumapasok sa trabaho ang nakararanas ng hirap sa pagbalanse ng gawain sa kanyang trabaho at responsibilidad sa bahay.
Habang sa buong Southeast Asian region ay nasa 59% ang nakararanas ng kaparehas na sitwasyon.
Sakop ng pag-aaral ang tatlong libo (3,000) working mothers sa Malaysia, Singapore, Thailand, Vietnam, at Pilipinas.
Nakararanas ng hirap sa pagbalanse ng oras ng ilan mga Filipinang may trabaho ay:
– 35% ay hindi na naaasikaso ang sarili kung kaya’t nagmumukhang losyang;
– 33%, pagkaramdam ng “guilt feeling” kapag mas nauunang gampanan ang trabaho kaysa pagiging Nanay;
– 25%, pagkakaroon ng diskriminasyon katulad ng hindi pantay na suweldo ng lalaking empleyado sa babaeng empleyado;
– 23%, hirap sa paghahanap ng mapagkakatiwalaang mag-aalaga sa naiiwang anak sa bahay; at
– 21%, kakulangan ng mga akmang polisiya sa trabaho para sa mga working mother.
Nararanasan sa Pilipinas at iba pang mga bansa sa Southeast Asia na bagama’t malaki ang kontribusyon ng kababaihan sa pag-unlad ng ekonomiya, napag-iiwanan sila pagdating sa promosyon sa trabaho.
Pero ang nakatutuwa, bagama’t may mga hinaharap na problema ang mga working mother, nakagagawa pa rin sila ng pamamaraan para kahit papaano ay mabalanse ang pagiging career woman at pagiging ina ng tahanan.
Nasa 68% ang naniniwala na para matutukan kapwa ng isang working mother ang “work-life balance” mahalaga ang pagkakaroon ng isang flexible working arrangements kung saan hindi oras ang basehan ng suweldo kundi output o nagagawa sa kompanya.
39% ng mga Filipina working mothers ang sang-ayon dito. Pero mas malaking tulong diumano ang pagkakaroon ng career development programs, karagdagang leave policies, pagkakaroon ng parental support group, at on-site child care facilities.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, nasa 34.5% ang labor force participation ng kababaihan sa bansa.
Walang akmang datos sa kung ilan ang working mothers sa bilang na ito.