MANILA, Philippines – Umabot sa 58 miyembro umano ng True Brown Style (TBS) ang kabilang sa 200 katao na inaresto sa protesta sa Mendiola noong Setyembre 21, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sinabi ni Remulla nitong Martes na batay ito sa imbestigasyon ng pamahalaan sa mga naaresto sa naturang protesta.
“Out of the 200 we arrested last September 21 doon sa Mendiola, 58 were members of True Brown Style. So nakikita ‘yung propensity for violence nila,” ani Remulla.
Iniulat din ni Remulla na 13 pang miyembro umano ng TBS ang inaresto nitong Lunes dahil sa iba’t ibang paglabag.
“To show that we are serious against the grooming of children towards violence,” ani Remulla.
Ayon sa kalihim, nagsimula ang TBS bilang maliit na organisasyon sa California, Estados Unidos, bago lumawak sa Pilipinas. Aniya, karamihan sa mga miyembro nito ay nasa huling bahagi ng teenage years hanggang early 20s.
Inakusahan din ni Remulla ang grupo ng pagrerekrut ng mga batang nasa edad 14 o 15 at umano’y pag-uutos sa mga ito na magnakaw sa mga tindahan bilang bahagi ng initiation.
Patuloy na mino-monitor ng DILG ang mga banta sa social media at mga community-based gang, lalo na ang umano’y pagrerekrut sa mga menor de edad.
Nauna nang sinabi ng DILG na 53 indibidwal ang naaresto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga gang na inaakusahang nanghihikayat ng mga bata na gumawa ng karahasan sa mga paaralan matapos ang insidente sa Zamboanga.
“This campaign will go on, it will not stop. We will work with the DepEd, we will work with the communities to make sure that the path forward is a safer environment for our children,” ani Remulla.
Sa kabila ng kampanya laban sa TBS, sinabi ni Remulla na bukas pa rin siya sa pakikipag-usap sa mga miyembro ng grupo. Plano umano niyang makipagkita sa mga ito sa Cavite sa susunod na linggo upang ipaliwanag ang polisiya ng pamahalaan.
“They are rational individuals. Tingin ko naman madadaan natin sa usapan. Pero kung makukulit talaga sila, eh di pasensyahan kami.” RNT/MDS