PASAY CITY — Pinuri ni Senador Mark Villar ang delegasyon ng Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan matapos makapagtala ang bansa ng pinakamalaking bilang ng medalya sa loob ng 60 taon—apat na ginto, siyam na pilak at 16 na tanso, o kabuuang 29 medalya.
Ayon kay Villar, malaking karangalan para sa bansa ang ipinakitang husay ng mga atletang Pilipino at patunay ito ng kanilang kakayahang makipagsabayan sa pinakamahuhusay na atleta sa ibang bansa.
“Ang 29-medal haul ng ating mga atleta ay patunay na napakalaki ng potensyal ng Pilipino sa sports. Congratulations sa ating mga atleta—isa kayong inspirasyon sa ating kabataan!” ani Villar.
Nanguna sa kampanya ng Pilipinas sina Carlos Edriel “Caloy” Yulo, na nag-uwi ng dalawang gintong medalya sa men’s floor exercise at men’s vault; EJ Obiena, na muling nagkampeon sa men’s pole vault at nagtala ng bagong Asian Games record na 5.91 metro; at Jeus Gabriel Yape, na nagkamit ng ginto sa mixed individual virtual taekwondo.
Nag-uwi rin ng siyam na pilak ang Pilipinas sa pangunguna ng Gilas Pilipinas Women’s 3×3 basketball team, gayundin nina Carlo Paalam, Kurt Bryan Barbosa, Tachiana Keizha Mangin, Juliana Mykhail Candelaria, Luz Alexandra Enriquez, Jean Claude Saclag at Marie June Adriano, kasama ang women’s sepak takraw team.
Nakuha naman ang 16 na tansong medalya mula sa iba’t ibang larangan tulad ng tennis, gymnastics, weightlifting, athletics, beach volleyball, e-sports, jiu-jitsu, karate, mixed martial arts, sepak takraw, soft tennis, skateboarding at taekwondo.
Para kay Villar, ipinapakita ng lawak ng medalya ng bansa na kayang magtagumpay ng mga atletang Pilipino sa iba’t ibang uri ng palakasan kung mabibigyan sila ng sapat na pagkakataon, paghahanda at tuloy-tuloy na suporta.
“Ang tagumpay sa Asian Games ay hindi lamang bunga ng isang kompetisyon. Bago makarating sa podium ang isang atleta, may mahabang proseso ng training, coaching, disiplina, kompetisyon at suporta. Kaya kailangan natin ng pangmatagalang plano upang matiyak na may susunod na henerasyon na handang humalili at magdala ng bandila ng Pilipinas sa international stage,” ani Villar.
Kaugnay nito, isinusulong ni Villar ang Senate Bill No. 2531 o “Roadmap for Sports Excellence Act,” na naglalayong bumuo ng 20-taong pambansang balangkas para sa pagpapaunlad ng palakasan—mula sa pagtukoy at pagsasanay sa mga batang may potensyal hanggang sa paghahanda sa kanila para sa mga pandaigdigang kompetisyon.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ang Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC) at National Academy for Sports (NAS), ng pangmatagalang Sports Excellence Roadmap.
Layunin nitong palakasin ang mga programang panggrassroots, maagang matukoy ang mga atletang may potensyal, magbigay ng sapat na pagsasanay at suporta sa paglahok sa mga kompetisyon, at ihanda ang mga atletang maaaring makipagsabayan sa pinakamataas na antas.
Inaatasan din sa panukala ang National Sports Associations na bumuo ng kani-kanilang pangmatagalang plano sa pagpapaunlad ng atleta at magkaroon ng mas sistematikong paraan ng pagtukoy sa mga promising athlete sa pamamagitan ng lokal at pambansang mga kompetisyon.
Bukod sa pagsasanay at kompetisyon, layunin din ng SB No. 2531 na palakasin ang kabuuang suporta sa mga atletang Pilipino sa larangan ng edukasyon, scholarship at grant, sports science, kalusugan at nutrisyon, training facilities at kagamitan, kapakanan ng atleta, benepisyo at insentibo, pagpopondo at pakikipagtulungan sa pribadong sektor.
“Ang bawat medalya ay kuwento ng talento, sakripisyo at determinasyon. Nais nating gawing mas malawak ang oportunidad na ito upang mas marami pang batang Pilipino ang matuklasan ang kanilang talento, mahasa ito at balang araw ay maging bahagi ng ating mga atletang nagdadala ng karangalan sa bansa,” ani Villar.
Ayon pa sa senador, hindi lamang dapat ipagdiwang ang tagumpay ng Pilipinas sa Asian Games kundi gamitin din itong inspirasyon upang higit pang mamuhunan sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.
“Ipinagdiriwang natin ang tagumpay ng ating mga atleta ngayon, habang patuloy din nating inihahanda ang mga kampeon ng bukas. Ang 20-year Sports Excellence Roadmap ay hakbang tungo sa isang sistemang tuloy-tuloy na huhubog ng talento, magbibigay ng oportunidad at magpapalakas sa ating mga Pinoy athletes,” ani Villar.
Sa paghahanda para sa 2028 Los Angeles Olympics, sinabi ni Villar na kailangang maipagpatuloy ang momentum ng mga atletang Pilipino at mapalawak ang kanilang pagkakataong makipagkompetensya sa pinakamataas na antas.
“Muli, congratulations at mabuhay ang ating mga medalists! Asahan ninyo ang patuloy na buong-pusong suporta ng sambayanang Pilipino at ng Senado. Sa Los Angeles 2028 Olympics, sama-sama nating hangarin at suportahan ang mas marami pang medalya para sa Pilipinas,” ani Villar. RNT