Home OPINION NCRPO SA ILALIM NI NARTATEZ, TANGLAW NG PAG-ASA AT MODELO NG KAHUSAYAN

NCRPO SA ILALIM NI NARTATEZ, TANGLAW NG PAG-ASA AT MODELO NG KAHUSAYAN

DAHIL inspirado sa mahusay na pamumuno ng kanilang mga opisyal, nagkamit ng mga natatanging karangalan at pagkilala ang National Capital Region Police Office at mga tauhan nito sa 123rd Police Service Anniversary noong Agosto 8 na ginanap sa Camp Rafael T. Crame, Quezon City.

Sa pamumuno ni PMGen Jose Melencio Nartatez Jr., nakatanggap ang NCRPO ng dalawang natatanging parangal — Special Unit Award (Philippine National Police Unit- Police Regional Office Level) at Best Unit for the “Most Number of Arrest on Illegal Drugs-Police Regional Office Level”.

Patunay lang ang mga parangal na sinisikap ng regional director ng NCRPO na maipatupad ang komprehensibong estratehiya upang maging matagumpay ang mga operasyong isinasagawa ng kanyang mga opisyal at mga tauhan upang maging ligtas ang mga residente at mga mamamayan ng komunidad na kanilang pinagsisilbihan.

Ang Southern Police District sa pamumuno ni PBGen Leon Victor Rosete, na nasa ilalim din ng pamumuno ni Nartatez ang tumanggap ng parangal na “Most Number of Arrest on Illegal Drugs-District Level habang PCol Jenny Tecson, hepe ng SPD- Community Affairs and Development Division, ay tumanggap ng Special Individual Award dahil sa kanyang kontribusyon sa pakikipag-ugnayan sa komunidad at pagpapaunlad nito.

Si PCol Jess Mendez, Regional Intelligence Division ng NCRPO, ay pinarangalan bilang “Best Senior Police Commissioned Officer for Operations” dahil sa kanyang pambihirang pamamaraan at epektibong paniniktik na nagresulta sa pag-aresto sa mga kriminal at pagpigil sa masasamang gawain ng huli.

Dahil sa mga patnubay ni Nartatez sa kanyang mga tauhan, pagkilala sa mga nagawa ng mga ito para sa kaayusan at kapayapaan ng Metro Manila, ang NCRPO ay nagsisilbing tanglaw ng pag-asa at modelo ng kahusayan sa paglaban sa krimen. Patuloy ang mga hakbanging isinasagawa ni Nartatez na nagsisilbing inspirasyon sa pulis at mamamayan kaya naman nagtitiwala ang mga tao sa pamayanan sa mga miyembro ng NCRPO.

Kung matatag na ang police community engagement sa mga lugar sa Metro Manila, mas pinatatag pa ni Nartatez ang pakikipag-ugnayan sa mga tao sa pamayanan upang sa ganoon ay hindi ang mga ito matakot sa mga pulis sa pagbibigay ng impormasyon at mga nagaganap sa kanilang komunidad na nagiging daan upang mas maganda ang maging resulta ng trabaho ng pulis — pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa pamayanan.

Binabati ng NCRPO Press Association si Nartatez at ang kanyang mga opisyal sa naiuwing karangalan at nawa’y magpatuloy ang pagiging magandang ehemplo ng mga pulis ng NCRPO na may integridad sa kahusayan at lubos na dedikasyon sa kanilang mga trabaho.