Home OPINION EJKs, BARGAINING CHIP LANG?

EJKs, BARGAINING CHIP LANG?

BAKIT ngayon lang lumutang ang napaulat na pagpapahayag umano ng pulis na si PMGen Romeo Caramat, Jr. ng kahandaang ibunyag ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa extrajudicial killings noong panahon ng madugong giyera kontra droga ni Duterte kapalit ng pagtatalaga sa kanya bilang hepe ng Philippine National Police?

Totoo kaya ito? Well, kung sakali man… ang kagustuhan ni Caramat na maglantad ng katotohanan tungkol sa extrajudicial killings kapalit ng pinakamataas na posisyon sa PNP ay lantarang pagiging oportunista at kawalan ng moralidad. Para sa isang police general, hindi ba parang ang sama at nakababahala na ang isang unipormadong alagad ng batas ay mistulang ibina-bargain lang ang hustisya.

Anong klaseng PNP Chief siya, kung nagkataon: in-appoint batay sa prinsipyo nang pagpili sa bagong career bilang kriminal? Salamat na lang at ayon sa mga ulat, tinanggihan umano ni Speaker Martin Romualdez ang ‘indecent proposal’ na ito at piniling huwag pumatol sa manipulasyong pulitikal.

Bagama’t masasabing dakila ang pagtangging ito ni Romualdez, ang katotohanang may ganitong inialok sa harap niya ay naglalantad sa wala sa hulog na mga prayoridad ng gobyerno, lalo na kung pakaiisiping napakalapit niya sa Presidente.

Dapat na agad na iniulat ng leader ng Kamara sa kinauukulang awtoridad ang alok na ito sa kanya, hindi sapat na basta na lang niya tinanggihan. Ang kawalang aksyon ni Romualdez ay nagbibigay nang nakapag-aalalang impresyon nang kawalang pakialam sa kaseryosohan ng extrajudicial killings — isang masakit na paalala na hindi ang katarungan ang prayoridad, kundi ang pulitikal na pakinabang. Tandaan natin na matagal nang hindi kasundo ni Romualdez si VP Sara Duterte-Carpio, kaya partikular na kumbinyente ang paninindigang ito para sa kanya.

           Anong gagawin ‘pag walang LRT-1?

Kamakailan, iginiit ni President Marcos na ang pagpapatigil ng public transport modernization program, gaya ng iminumungkahi ng ilang senador, ay magbabalewala lamang sa mga naumpisahang programa patungo sa tamang direksyon. Ngayon, habang naghahanda ang Light Rail Transit Line 1 sa pagsuspinde sa operasyon nito sa susunod na tatlong weekends para bigyang-daan ang Cavite Extension project, nakatutok ang lahat sa reyalidad sa pahirapang transportasyon.

Handa na nga ba tayong alisin sa lansangan ang mga pampasaherong jeepney o ang nakatakdang tigil-operasyon na ito ng LRT-1 na lalo pang magpapalala sa kawalang preparasyon ng pamahalaan sa pagpapatupad ng programa at sa grabeng malaking gastusin ng modernisasyon na hindi naman talaga kakayanin ng sektor ng transportasyon?

Bagamat nangangako ang LRT-1 upgrade ng mas kumbinyenteng pagbibiyahe sa hinaharap, magiging malaking kalbaryo muna ito para sa mga pasahero sa ngayon. Sana lang, ganun din kalakas ang loob ng Department of Transportation sa pag-aalok sa publiko ng ibang paraan sa pagbibiyahe sa kalsada.

Kung nagtitiwala talaga ang DOTr sa modernisasyong iginigiit nito, dapat ay kumpiyansa rin ito sa pagtiyak na hindi mai-stranded sa lansangan ang mga pasahero sa importanteng transisyon na ito sa LRT-1.

                   Walang Olympic uniforms?

Congratulations sa ating mga babaeng golfer na sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina sa mahuhusay na performances nila sa Paris Olympics kahit pa pareho silang bigong makatuntong sa podium.

Tinapos ni Bianca ang kanyang Olympic journey sa ikaapat na puwesto sa pagtatala ng 6-under par total sa four-round 72-hole tourney. Si Dottie naman, nakaiskor ng 4-under 68 sa ikaapat at huling round. Galing!

Marahil, kung binigyan sila ng Philippine Olympic Committee ng tamang uniporme sa halip na pagastusin sila sa pagbili ng sarili nilang uniporme, at punuin ang parte ng dibdib ng mga patches ng ating Philippine Flag, baka mas naging inspirado sila sa paglaban para sa bayan. Nasabi ko lang naman.

                           *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).