Home METRO Accreditation period para sa mga partido, sectoral groups sa BARMM polls muling...

Accreditation period para sa mga partido, sectoral groups sa BARMM polls muling pinalawig ng Comelec

MANILA, Philippines- Muling pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang deadline para sa akreditasyon ng mga partidong politikal at grupong sektoral na nagnanais na lumahok sa 2025 Bangsamoro parliamentary elections hanggang Oktubre 8, 2024.

Sa isang desisyong inihayag noong Agosto 28, inilipat ng Comelec en Banc, sa bisa ng Resolution 11048, ang deadline para sa paghahain ng manifestation of intent to participate (MIP) sa mga parliamentaryong botohan. Pinalawig din nito ang pagsasagawa ng mga party convention mula Agosto 29 hanggang Setyembre 30.

Unang pinalawig ng poll body ang panahon para sa paghahain ng akreditasyon noong Hunyo.

Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na sa sobrang dami ng nagpapa-accredit sa Comelec, wala pa silang na-accredit na political parties at sectoral organizations kaya minarapat ng Comelec na habaan ang panahon ng paghahain ng MIP.

Ipinahayag ng Comelec ang Resolution 10984 o ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Bangsamoro Electoral Code (BEC).

Itinakda ng Resolution 10987 ang mga aktibidad na may kaugnayan sa unang parliamentaryong halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ang mga kaukulang panahon kung kailan dapat sumunod.

Nauna nang sinabi ng Comelec na maglulunsad ito ng malawakang voter education campaign bago ang unang parliamentary election sa Bangsamoro region.

Noong Hunyo, nagpahayag ng kumpiyansa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang unang BARMM parliamentary election ay magiging “pinakapayapa” habang hinahangad niya ang suporta ng mga lokal na ehekutibo ng rehiyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden