NABABAHALA si Sen. Raffy Tulfo na posibleng bumalik ang mga lokal na pamahalaan ng Central at Northern Luzon sa paggamit ng illegal dumpsites at magpaagos na lang ng liquids sa mga ilog na makapagpapalala sa mga pagbaha sakaling maipasara ang Kalangitan Sanitary Landfill sa Capas, Tarlac sa Oktubre.
Laman ito ng privilege speech ni Tulfo sa Senado noong nakaraang linggo.
Sinabi ng senador na ang napipintong pagpapasara sa landfill ay isang napakalaking banta sa kalikasan at kalusugan ng mga mamamayan ng dalawang rehiyon.
Ang Kalangitan Landfill ay ang nag-iisang engineered sanitary landfill na nagsisilbi sa 150 local government units at mga industriya, kabilang na ang private hospitals, sa nakalipas na 25 taon. Dito rin nagtatapon ng hospital wastes ang karamihan ng mga ospital sa Metro Manila.
Ipinatitigil ng Bases Conversion and Development Authority at Clark Development Corporation ang operasyon ng Metro Clark Waste Management Corporation, ang operator ng 100-ektaryang Kalangitan Landfill, kahit sabi ng Metro Clark ay sa taong 2049 pa mapapaso ang kanilang kontrata.
Inireklamo na ng Metro Clark sa Ombudsman ng mga kasong kriminal at administratibo sina ex-BCDA Chairman Delfin Lorenzana, BCDA President and CEO Joshua Bingcang, BCDA Officer-In-Charge Gizela Kalalo, CDC President and CEO Agnes VST Devanadera, at Department of Environment and Natural Resources Director Jacqueline Caancan.
Nag-ugat ang mga kaso dahil sa naging hakbang diumano nina Lorenzana, Bingcang, Devanadera, at Kalalo na putulin ang 50-year lease ng Metro Clark pabor sa di-bababa na 10 waste management companies para makuha ang serbisyo sa basura ng mahigit 30 LGUs mula sa 150 LGU-clients ng Metro Clark. Si Caancan naman diumano ang namili at nagrekomenda ng waste management companies na walang public bidding kaya agrabyado rito ang Metro Clark at pati na ang gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa plenaryo, ipinababawi ni Tulfo sa BCDA at CDC ang pagpapasara sa Kalangitan Landfill at kanyang pinagpapaliwanag ang DENR kung bakit pumayag ito gayong taliwas ito sa polisiya ng kagawaran.
Kasabay nang paghahain ng administrative case laban sa nasabing BCDA, CDC, at DENR officials, hiniling ng Metro Clark sa Ombudsman na patawan ang mga ito ng preventive suspension upang hindi maimpluwensiyahan ang pag-usad ng mga kaso.
Nananalig ang Metro Clark na agad na itatakda ng Ombudsman ang preliminary investigation at ang mga pagdinig sa kasong kanilang isinampa.