Home NATIONWIDE $5M UN fund target ng Pinas sa pagtalakay sa ‘super pollutants’

$5M UN fund target ng Pinas sa pagtalakay sa ‘super pollutants’

3
0

MANILA, Philippines – Pormal nang kinumpirma ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Juan Miguel Cuna ang aplikasyon ng Pilipinas sa isang pandaigdigang programa na naglalayong mabawasan ang mga super pollutant, kasabay ng alok na idaos sa Maynila ang pulong ng isang international climate leadership board sa susunod na taon.

Sa pakikipagpulong kay Climate and Clean Air Coalition (CCAC) Secretariat Head Martina Otto sa United Nations Headquarters, sa sidelines ng 81st UN General Assembly, muling iginiit ni Cuna ang pangako ng Pilipinas na isulong ang malinis na hangin, kalusugan ng publiko at katatagan laban sa epekto ng climate change.

Inihayag ni Cuna ang kahandaan ng bansa na mapabilang sa 2027 batch ng CCAC Super Pollutant Country Action Accelerator program.

Nag-aalok ang programa ng $2 milyon hanggang $5 milyon na grant sa loob ng tatlong taon upang bumuo ng pangkat ng mga eksperto sa loob ng pamahalaan at magbigay ng teknikal na suporta sa mga sektor ng basura, agrikultura at transportasyon.

Ayon kay Cuna, mahalagang mabawasan ang mga super pollutant dahil nagbibigay ito ng agarang benepisyo sa klima at kalidad ng hangin, habang pinatitibay ang kakayahan ng mga komunidad at mahahalagang sektor na makayanan ang mga epekto ng climate change.

Kabilang sa mga short-lived climate pollutant ang methane, black carbon at hydrofluorocarbons, na may mas matinding epekto sa pag-init ng mundo kumpara sa carbon dioxide sa maikling panahon.

Nakabatay ang aplikasyon ng Pilipinas sa National Short-Lived Climate Pollutants Action Plan, na naglalaman ng 13 prayoridad na hakbang upang mabawasan ang emissions pagsapit ng 2035.

Kabilang din sa mga estratehiya ang Rice Sub-Sector Strategy, na binuo kasama ang Clean Air Asia at International Rice Research Institute, gayundin ang Asean-Korea Cooperation for Methane Mitigation.

Sinabi ni Cuna na makatutulong ang accelerator program upang maisakatuparan ang mga patakaran at estratehiya ng Pilipinas laban sa short-lived climate pollutants.

Alinsunod din ito sa mga pangako ng bansa sa ilalim ng Global Methane Pledge at ng updated Nationally Determined Contribution.

Ayon naman kay DENR Undersecretary for Finance, Information Systems, Climate Change and Administration Atty. Analiza Rebuelta-Teh, maaaring pag-ugnayin ng programa ang teknikal na kaalaman, mga prayoridad ng bansa at mga hakbang sa bawat sektor upang makamit ang nasusukat na pagbawas sa emissions at maghatid ng agarang benepisyo sa mga komunidad.

Bukod sa aplikasyon para sa pondo, nagpahayag din si Cuna ng interes ng Pilipinas na mag-host ng CCAC board meeting sa Marso o Abril 2027. Miyembro ang bansa ng koalisyon na pinamumunuan ng UN Environment Programme mula pa noong 2015. Nagsilbi na rin itong co-chair at kasalukuyang kabilang sa board ng organisasyon.

Binigyang-diin ni Cuna ang pangangailangan ng mas mahigpit na koordinasyon sa rehiyon pagdating sa pagsukat, pag-uulat at beripikasyon ng emissions. Hinimok din niya ang CCAC na tumulong sa pagbuo ng magkakatugmang pamamaraan ng pagsubaybay na nakabatay sa agham sa buong Southeast Asia.

Inaasahang iaanunsyo sa susunod na buwan, sa unang Conference of the Parties to the United Nations Framework Convention on Climate Change, ang mga mapipili para sa accelerator program.

Ang CCAC ay isang boluntaryong samahan ng mahigit 200 pamahalaan at organisasyon na naglalayong mabawasan pagsapit ng 2030 ang global methane emissions nang hindi bababa sa 40 porsyento at black carbon emissions nang 70 porsyento. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here