MANILA, Philippines – Pinakilos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga regional office, line bureau at field unit nito upang palakasin ang paghahanda at mga hakbang laban sa patuloy na El Niño.
Ayon sa state weather bureau, maaaring lumakas pa ang El Niño at maging isang very strong event bago matapos ang taon at magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Kabilang sa mga hakbang ng DENR ang pagtatayo ng karagdagang pinagkukunan ng tubig, pagsusulong ng pagtitipid sa tubig, pangangalaga sa watersheds at kagubatan, pag-iwas sa forest fire, pagprotekta sa mga vulnerable ecosystem at pagtiyak sa kaligtasan ng mga kawani laban sa matinding init.
Inaasahang magdudulot ang El Niño ng mas matagal na tagtuyot, kakulangan sa suplay ng tubig at matinding init sa ilang bahagi ng bansa.
“With the critical action window now upon us, every DENR unit must proactively execute climate adaptation and risk reduction protocols,” pahayag ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna.
Ayon kay Cuna, mahalaga ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, patuloy na pagmamanman sa mahahalagang water system at mahigpit na pagpapatupad ng water conservation upang maprotektahan ang mga komunidad, ecosystem at likas na yaman.
Nagtayo na rin ang DENR ng maliliit na water impounding structure at rainwater harvesting system upang magkaroon ng karagdagang suplay ng tubig sa panahon ng mababang pag-ulan.
Pinalalakas din ng mga regional office at attached agency ng DENR ang water conservation, watershed monitoring, pag-iwas sa forest fire, pangangalaga sa ecosystem at heat-safety measures katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder.
Sa Central Luzon, nagsasagawa ng information campaign ang Pampanga Provincial Environment and Natural Resources Office at mga regional field unit sa mga barangay at community college sa Guagua at Lubao.
Itinuturo rito ang mga simpleng paraan ng pagtitipid ng tubig gaya ng paggamit ng timba sa halip na hose, muling paggamit ng greywater, agarang pagkukumpuni ng mga tumutulong tubo at pag-iipon ng tubig-ulan.
Minomonitor din ng DENR Region 3 ang posibleng coral bleaching na may kaugnayan sa pagtaas ng sea surface temperature sa mga coastal area, kabilang ang Aurora.
Sa Caraga, pinayuhan naman ng Mines and Geosciences Bureau ang mga mining company at processing plant na pamahalaan ang paggamit ng tubig, suriin ang mga leak, mag-ipon ng tubig-ulan at magtatag ng cooling station at early warning system para sa matinding init.
Naglabas din ng mga abiso para sa mga gobernador ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Islands upang palakasin ang mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Council at bantayan ang mahahalagang watershed.
Samantala, pinahusay ng Environmental Management Bureau Region 11 ang health and safety measures para sa field personnel. Kabilang dito ang paglilimita sa outdoor work na mataas ang exposure mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, pagbibigay ng personal protective equipment at pagtiyak na tuloy-tuloy ang hydration ng mga kawani.
Ayon sa DENR, makatutulong ang mga hakbang na ito upang mapanatili ang suplay ng tubig sa panahon ng tagtuyot, maprotektahan ang kagubatan at watershed, at mapangalagaan ang kabuhayan ng mga umaasa sa malulusog na ecosystem.
Sinusuportahan ng mga hakbang ng DENR ang mas malawak na paghahanda ng pamahalaan sa El Niño, kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na maagang maghanda para sa inaasahang dry spell.
Sa pamamagitan ng maagang pagkilos, tuloy-tuloy na monitoring at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder, layunin ng DENR na palakasin ang climate resilience ng bansa at tulungan ang mga komunidad na harapin ang epekto ng El Niño. RNT/JGC