MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang anim na suspek kasabay ng pagkakasamsam sa P15 milyong halaga ng mga ismagel na sigarilyo sa checkpoint operation sa Barangay Panatan, Pigcawayan, North Cotabato nitong Huwebes, Setyembre 4.
Sa report nitong Biyernes, sinabi ni Pigcawayan Municipal police chief Maj. Mark John Mutlah na mahigit 300 kahon ng smuggled na sigarilyo ang nakakarga sa dalawang 10-wheeler truck na bumibiyahe mula Zamboanga Sibugay patungong North Cotabato at Davao region.
“The cargo trucks were subjected to inspection at the border checkpoint in Barangay Panatan, manned by the Police Regional Mobile Force Battalion at about 10 a.m. Thursday,” ani Mutlah.
Idinagdag pa niya na ang mga case ng imported na sigarilyo ay nakatago sa patong-patong na mga sako ng uling.
Ang mga suspek na pawang mga residente ng Zamboanga Sibugay at Ozamiz City, ay nagsabing ibibiyahe nila ang mga uling patungong Davao region.
Nasa kustodiya na ng municipal police ang mga suspek at naghihintay sa isasampang kaso laban sa kanila. RNT/JGC