Home NATIONWIDE Flood control projects sa flood-prone areas lang dapat pondohan – Suansing

Flood control projects sa flood-prone areas lang dapat pondohan – Suansing

256
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni House appropriations panel chair at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing na dapat ilaan lamang ang pondo sa mga flood control projects na matatagpuan sa mga “red zone” o lugar na may mataas na panganib dulot ng pagbaha.

Sa pagdinig ng panukalang P880 bilyong budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026, sinabi ni Suansing na dapat gawing batayan ang flood hazard map ng Project NOAH ng UP Resilience Institute sa pagtukoy kung aling mga proyekto ang dapat pondohan.

“Only those indicated as red zones as per the flood hazard map of Project NOAH should be allowed,” aniya sa kanyang opening speech nitong Biyernes.

Pinaliwanag ni Suansing na ang mga red zones ay mga lugar kung saan mataas ang antas ng tubig-baha o malakas ang agos ng tubig na nagdudulot ng malaking panganib sa buhay ng tao.

“Ibig sabihin, kung ano lamang ang mga proyekto na kasama sa red zones at kung ano lamang ang kasama sa proposal ng DPWH na nakabase sa feasibility studies at endorsed ng Regional Development Council ang dapat pondohan,” dagdag pa niya.

Dagdag ni Suansing, ang pagtanggal ng mga proyektong hindi karapat-dapat pondohan ang siyang nararapat at makikinabang ang publiko.

“Lahat po ng labas dito, tatanggalin po natin sa flood control para sa taong 2026. The public, especially most vulnerable to flooding, deserve institutions that protect, empower, and respect them,” giit niya.

Binigyang-diin din ng mambabatas na ang bigat ng mga alegasyon at isinasagawang imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects ay nangangailangan ng malinaw na plano upang maputol ang katiwalian at maibalik ang tiwala ng publiko sa imprastruktura.

Matatandaang una nang binatikos ng mga lider ng Kamara, kabilang si Deputy Speaker Ronaldo Puno, ang ilang maling entries sa panukalang 2026 budget gaya ng mga tapos nang proyekto pero muling may pondo at multi-year projects na hindi natutustusan kahit ipinatutupad sa yugto-yugto. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here