MANILA, Philippines – Arestado ang apat na kawani, kabilang ang dalawang bebot, matapos salakayin ng pulisya ang isang kompanya na nagbebenta ng pekeng piyesa ng motorsiklo sa Caloocan City.
Ang mga nadakip ay sina alyas “Jajah” (25), alyas “Jean” (26), parehong sales staff, at alyas “Roger” (36) at alyas “Christopher” (35), parehong stock clerk. Hindi naman nahuli ang manager at may-ari ng kompanya, na si alyas “MM,” dahil wala siya nang isagawa ang pagsalakay.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-2 ng hapon, batay sa search warrant mula sa Caloocan City RTC, matapos mapatunayan na pekeng bearing ang ibinebenta ng kompanya.
Nakumpiska ang 120 kahon ng pekeng bearings na may brand na U&S, na orihinal na gawa sa Estados Unidos, at nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Ang mga nahuling kawani ay sasampahan ng kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Merly Iral