MANILA, Philippines – Anim na indibidwal na ang naaresto dahil sa paglabag sa election gun ban, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mula sa Malasiqui, Pangasinan; Iloilo; Cainta, Rizal; at mayroon din sa Buluan, Maguindanao.
Binigyang-diin ni Garcia na araw-araw ipinapaalala at ipinananawagan ang pagpapatupad ng election gun ban at ang lahat ng lisensya ng mga baril o armas ay suspendido pagdating ng Enero 12.
Linggo, Enero 12 nang opisyal na simulan ang pagpapatupad ng election gun ban sa bansa na magtatagal hanggang Hunyo 11 para sa May 2025 elections.
“Yung mga argumentong hindi nila alam, paulit-ulit po tayo, araw-araw tayong nananagawag,” sinabi ni Garcia.
Sa umiiral na election gun ban, ang Comelec at Philippine National Police (PNP) ay naglatag ng mga checkpoints sa ibat-ibang lugar sa bansa upang masiguro na walang sinumang lalabag lalo na sa mga lugar na may naiuulat na karahasan na may kaugnayan sa darating na halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden