MANILA, Philippines – “Yung panawagan sa kapayapaan, ng pagkakaisa, ay nararapat lang lalung lalu na at kabubukas lang ng Bagong Taon, 2025.”
Ito ang pahayag ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino kasabay ng paglilinaw nito na walang kinalaman sa politika, partikular na sa impeachment, ang kanyang personal na pagdalo sa malaking pagtitipon ng Iglesia ni Cristo (INC) na “National Rally for Peace” nitong Lunes ng hapon sa Quirino Grandstand sa Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Tolentino, sinusuportahan umano nito ang panawagan ng INC ng pagkakaisa at kapayapaan kaya’t dumalo ito sa nasabing malaking pagtitipon at hindi aniya ito tungkol sa impeachment case.
Nabatid pa sa Senador na siya ang katabi ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. nang banggitin sa isang okasyon sa lalawigan ng Quezon ang pagtutol niya sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kaya’t sa mismong Pangulo na rin nagmula ang panawagan ng pagkakaisa at kapayapaan na sinusuportahan ngayon ng INC.
“Wala akong kinikilingan dito, ang akin ay yung suportahan yung ipinaglalaban na isinusulong ngayon ng kapatiran ng INC at naniniwala ako na tamang hakbang yan sa pagbubukas ng bagong taon na ipakita, idaan sa sambayanan, na kailangan natin ang pagkakaisa,” paliwanag ni Tolentino.
Giit pa ni Tolentino na maraming kinakaharap na problema na dapat tutukan at bigyang-pansin ngayon ang bansa, hindi lamang sa klima kundi sa pananalapi, ekonomiya, ang hamon na haharapin sa usaping panlabas, sa West Philippine Sea, at sa iba pa aniyang aspeto ng ating kinagagalawang mundo. RNT