BAGUIO CITY, Philippines – Anim na residente ang agad na inilikas matapos magkaroon ng landslide sa Purok 3, Barangay Guisad Surong, Baguio City noong Setyembre 3 dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Nangyari ang landslide malapit sa lugar kung saan naganap ang isang naunang pagguho ng lupa na ikinasawi ng 10 katao.
Ayon sa Baguio City Police Office (BCPO), agad rumesponde ang mga pulis matapos iulat ang landslide na bahagyang nakapinsala sa isang bahay.
Inilikas ang anim na residente at dinala sa pansamantalang evacuation area sa Purok 4, Guisad Surong.
Maglalagay din ng pansamantalang takip at iba pang protective measures sa lugar upang maiwasan ang patuloy na pagguho ng lupa.
Pinayuhan ang mga residenteng nakatira sa landslide-prone areas na manatiling alerto at agad lumikas sa mas ligtas na lugar kapag naging delikado ang sitwasyon. RNT/MDS