MANILA, Philippines- Nasa anim na katao ang napaulat na namatay habang dalawa naman ang nananatiling nawawala matapos ang pananalasa ng Tropical Cyclone Ferdie (international name: Bebinca) at lumakas na Southwest Monsoon (Habagat).
Base sa pinakabagong situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), apat ang napaulat na patay, nananatiling “subject to validation,” mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Dalawa naman na napaulat ay mula sa Zamboanga Peninsula.
Hinggil naman sa nawawalang indibidwal, bawat isa ay iniulat mula sa Zamboanga Peninsula at Western Visayas. Mayroon namang 11 kaso ng nasugatan mula sa BARMM at Soccsksargen.
May kabuuang 203,197 katao o 47,166 pamilya sa 292 barangay ang apektado sa kamakailan lamang na masamang panahon. Sa naturang bilang, 13,825 ang nananatili sa loob ng evacuation centers, habang 22,801 naman ang mas nais sa temporary shelters.
Dahil sa bagyong Ferdie at Habagat, nagresulta ito sa P200,000 halaga ng pinsala sa imprastraktura sa ilang lugar.
Nag-iwan din ito ng ganap na pagkawasak ng 12 bahay, at partially damaged naman ang 85 iba pa. Mayroong 17 lansangan at tatlong tulay na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin madaraanan.
May ulat din ng power interruptions at pagkaantala sa ilang byahe at seaport trips sa ilang rehiyon. May ilang eskwelahan naman ang nagdesisyong suspendihin ang klase at trabaho.
Samantala, sinabi ng NDRRMC na may kabuuang P3,976,377 halaga ng tulong ang ibinigay sa mga apektadong residente sa Bicol Region at Western Visayas.
Ang bagyong Ferdie ay lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR), Sabado ng hapon subalit dahil sa buntot nito at Southwest Monsoon kaya’t nananatiling umuulan sa ilang bahagi sa bansa. Kris Jose