MANILA, Philippines- Tinamaan ng kidlat ang catenary wire ng Gilmore Station ng Light Rail Transit Line 2 (LRT2) nitong Linggo ng gabi sa gitna ng malakas na pag-ulan dahil sa Southwest Monsoon (Habagat).
Sinabi ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA), operator ng LRT2 na hindi kaagad naisagawa ang repair work pagkatapos ng unang strike dahil mas maraming kidlat ang sumunod.
Sa CCTV camera ng LRTA, nairekord ang pagkidlat sa catenary wire na nagsusuplay ng kuryente sa train.
Sinabi ni LRTA administrator Atty.Hernando Cabrera na nangyari ang insidente ng alas-9:44 ng gabi at tanging ang Gilmore Station lamang ang tinamaan.
Aniya, nasa 70 metro ang nasirang kable kaya natagalan ang repair bukod pa sa may mga kidlat pa.
Ang LRTA maintenance team ay nagtrabaho nang magdamag para sa repair work at testing.
Ayon kay Cabrera, natapos ang ang pagkumpuni ng alas-3:30 ng madaling araw.
Nauna na aniya silang naglabas ng abiso na maaaring maantala ang pagsisimula ng operasyon ng tren ngayong Lunes dahil sa insidente.
Gayunman, nagawa ng team ang kanilang repair work kasama ang testing bago sumikat ang araw, na nagbibigay-daan sa pagpapatuloy ng normal na iskedyul ng tren ng LRT2 nitong alas-5 ng umaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden