Home METRO 6 patay sa leptos, sirit-kaso sa 86 sa Ilocos Region

6 patay sa leptos, sirit-kaso sa 86 sa Ilocos Region

1
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa 83 ang kaso ng leptospirosis at anim ang nasawi sa Ilocos Region mula Enero 1 hanggang Agosto 8 ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH)-Ilocos Region.

Batay sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), Pangasinan ang may pinakamaraming kaso na 52, sinundan ng La Union na may 13, Ilocos Norte na may 12 at Ilocos Sur na may anim.

Mas mababa ito ng 53 porsiyento kumpara sa 177 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Gayunman, muling nagbabala ang DOH sa panganib ng leptospirosis kasunod ng mga pagbaha at malalakas na pag-ulan sa rehiyon.

Pinayuhan ni Dr. Rheuel Bobis ng DOH-Ilocos ang mga residenteng kinakailangang lumusong sa baha na gumamit ng waterproof boots at agad hugasan ng malinis na tubig at sabon ang mga bahaging nalantad sa baha.

Binalaan din ng DOH ang publiko laban sa basta-bastang pag-inom ng doxycycline o iba pang antibiotic matapos malantad sa baha.

Ayon kay Bobis, prescription medicine ang doxycycline at nakadepende sa uri at antas ng exposure kung kinakailangan ang post-exposure prophylaxis. Pinapayuhan ang mga nalantad sa baha na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center para sa tamang assessment.

Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ang lagnat, pananakit ng ulo at kalamnan o binti, panginginig, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pamumula ng mata at paninilaw ng balat o mata.

Maaaring lumitaw ang mga sintomas ilang araw o linggo matapos ang exposure kaya pinapayuhan ang mga lumusong sa baha na bantayan ang kanilang kalagayan at agad magpatingin kapag nakaranas ng sintomas.

Nauna nang itinaas ng DOH-Ilocos ang monitoring sa rehiyon dahil sa malawakang pagbaha at pinaalalahanan ang publiko na iwasang lumusong o lumangoy sa kontaminadong tubig upang makaiwas sa leptospirosis. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here