MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado ang anim na panukalang batas nitong Lunes, Hunyo 2, sa pag-reconvene ng mga mambabatas para sa huling anim na sesyon ng 19th Congress.
Kabilang sa mga panukalang naipasa ay ang Senate Bill No. (SBN) 890, o Government Optimization Act, na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo ng streamlining sa executive branch sa pamamagitan ng five-year rightsizing program na layong alisin ang paulit-ulit na mga tungkulin, at mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo.
Ang panukala ay unang inakda ni Senate President Francis Escudero, at naipasa na may 22 affirmative votes at walang pagtutol.
Ani Escudero, hindi layon ng panukala na bawasan ang workforce ngunit para palakasin pa ito.
“Rightsizing is about streamlining the bureaucracy… upgrading, upskilling, and upscaling personnel to help them fill up much-needed positions and put them on the path toward career advancement,” aniya.
Sa ilalim ng hakbang, ang “Committee on Optimizing the Executive Branch” ang mangangasiwa sa implementasyon ng Government Optimization Program.
Sakop nito ang lahat ng ahensya sa ilalim ng Executive branch, ngunit hindi kasama ang constitutional offices, local government units, Judiciary, at teaching at uniformed personnel.
Inaprubahan din sa Senado ang SBN 2805, o Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Act, na nagpapalawak sa mandato g ahensya na magkaroon ng regulasyon sa on-demand streaming platforms.
Inisponsoran ito ni Senator Robinhood Padilla, kung saan layon ng panukala na siguruhing ang mga content ng digital platforms ay tumutugon sa “Filipino standards of decency and morality,” at maprotektahan ang mga menor de edad.
“The MTRCB’s charter was enacted in 1985, long before the streaming era. This bill updates its mandate to reflect the realities of digital media,” ani Padilla.
Isa pang naaprubahang panukala ay ang SBN 2965 o Free Funeral Services Act, na nagbibigay ng “indigent funeral package” sa mga mahihirap na pamilya na naapektuhan ng kalamidad.
Inakdaan naman ito ni Senador Imee Marcos, na layong magbigay ng ‘dignified burial assistance’ sa mga hindi kayang makakuha ng basic funeral services.
Naipasa rin sa Senado ang SBN 2974, o Expanded Philippine Science High School (PSHS) System Act, na nagpapahintulot sa hanggang dalawang PSHC campuses sa kada rehiyon, maliban sa Metro Manila.
Si Senator Juan Miguel Zubiri, naman ang nag-sponsor ng panukala.
“Since 2022, PSHS has turned away over 5,800 qualified students simply because of a lack of space. This bill will democratize science education access,” sinabi ni Zubiri.
Aprubado rin ang SBN 2960, o Lifelong Learning Development Framework (LLDF) Act, ni Senador Joel Villanueva at SBN 2975, o Revised Animal Welfare Act. RNT/JGC