Home Banat By PBBM KUMPIYANSA SA PAGBANGON NG EKONOMIYA NG BANSA NGAYONG 2025

PBBM KUMPIYANSA SA PAGBANGON NG EKONOMIYA NG BANSA NGAYONG 2025

SA kabila ng anim na sunod-sunod na bagyong humagupit sa bansa sa loob lamang ng isang buwan na bihirang nangyari sa loob ng mahabang panahon, nanatiling naka-focus sa pagpapalago ng ekonomiya at kabuhayan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Bagaman dumanas ng delubyo at pinakamalupit na hagupit ng mga nagdaang bagyo ang Bicol Region na may pinakamalawak na pinsala sa agrikultura, pangingisda, at iba pang kabuhayan, hindi nagkulang sa paghahanda ang rehiyon kaya’t isa lamang ang nasawi sa Camarines Norte.

Mas marami pa ang nasawi sa Nueva Vizcaya na umabot sa pito dahil naman sa nangyaring landslide bunga rin ng hagupit ng sunod-sunod na bagyo.

Sa kabila nito, ipinamalas ng administrasyon ng Pangulong Marcos na handa ang pamahalaan at iba’t-ibang ahensya nito na tumugon sa naganap na delubyo sa pamamagitan nang pamamahagi ng ayuda, hindi lamang food packs kundi maging financial assistance at materyales sa muling pagbuo ng nawasak na mga tirahan.

Dahil dito, mabilis ang muling pagbangon ng mga taga-Bicolandia sa naranasang delubyo lalo’t nakaalalay sa kanila ang pamahalaan at mga tulong na dumating mula sa mga kaalyadong bansa, partikular ang Estados Unidos at Japan.

Hindi lamang ang delubyong dulot nang sunod-sunod na bagyo ang nagsilbing hamon sa administrasyong PBBM kundi ang malupit ding resulta ng pagtaas ng inflation rate o ang paglobo ng halaga ng mga bilihin at serbisyo.

Sa pagnanais pa rin ng Pangulo na tugunan ang inflation rate, lalo na ang presyo ng bigas na pangunahing pagkain ng masang Pinoy, ibinaba sa 15 porsyento ang tariff o buwis na dapat bayaran sa pag-aangkat ng bigas mula sa dating 35 porsyento.

Bagaman napakaliit lamang ang magandang resultang pagtatapyas ng bayad sa buwis ng mga imported na bigas na sabi ng mga kritiko ay pawang mga importer lamang ang nakinabang, pinadami naman ng administrasyon ang mga Kadiwa Rolling Store sa buong bansa kung saan makabibili ang consumers ng mas murang halaga ng bigas at iba pang pangunahing produktong pagkain.

Iniutos din ni PBBM ang matinding reporma sa sektor ng agrikultura na nagresulta para makamit ng National Food Authority ang 95 porsyento ng mithiin nilang ‘buffer stock’ ng bigas na ipamamahagi sa mga mamamayang nasalanta ng matinding sakuna.

Ngayong pagpasok ng taong 2025, kumpiyansa ang administrasyong Marcos na magtutuloy-tuloy ang pagbangon ng kabuhayan at ekonomiya, hindi lamang sa Bicol Region at iba pang rehiyon na sinalanta ng sunod-sunod na bagyo, kundi ang ekonomiya ng buong bansa.

Amen!