KASABAY ng pagdiriwang ng mga Filipino ng Kapaskuhan, nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na bigyang-prayoridad ang kalusugan sa pamamagitan ng wastong pagkain at aktibong pamumuhay. Mahalagang paalala ito dahil ang mga sakit sa puso, partikular ang ischemic heart disease (IHD), ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa Pilipinas.
Upang magbigay ng mas malawak na saklaw sa gastusin para sa paggamot ng sakit sa puso, malaki ang itinaas ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) sa benepisyo nito para sa IHD-Acute Myocardial Infarction (IHD-AMI) o “heart attack” para sa lahat ng pasyenteng na-admit simula Disyembre 21, 2024.
Ayon sa PHILHEALTH Circular No. 2024-0032 na inilathala sa parehong petsa, ang saklaw ay kinabibilangan ng:
1. Percutaneous Coronary Intervention (PCI) na Php 524,000 mula Php 30,300, isang pagtaas ng 1,629 porsiyento;
2. Fibrinolysis na Php 133,500 mula Php 30,290 o 900 porsyento na pagtaas;
3. Emergency Medical Services na may Coordinated Referral at Interfacility Transfer sa halagang Php 21,900; at
Cardiac Rehabilitation matapos ang PCI sa halagang Php 66,140.
Ang pinalawak na benepisyo ng PHILHEALTH para sa heart attack ay nagtitiyak na makatatanggap ang mga pasyente ng agarang medikal na atensyon, kabilang ang emergency medical transport papunta sa mga pasilidad na may kakayahang magbigay ng angkop na paggamot, at ang lahat ng kinakailangang interbensyon para sa kaligtasan at maayos na resulta ng paggamot.
“Nauunawaan namin ang mabigat na gastusin na dulot ng sakit sa puso sa mga pamilya,” ani PHILHEALTH President at Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma, Jr.
“Nakinig kami sa mga pasyente at kanilang mga pamilya, at sa tulong ng aming partner health facilities, natukoy namin ang kasalukuyang gastos na nagbigay-raan upang ayusin at lubos na taasan ang aming suporta para sa mga life-saving treatment na ito,” dagdag pa niya.
Ang pinahusay na heart packages ay sumusuporta sa malawak na serbisyo na kinabibilangan ng emergency medical services, gamot, laboratoryo at diagnostic tests, medical supplies, paggamit ng kagamitan, at kaukulang administrative fees.
Sa kaso ng percutaneous coronary intervention, maaaring magamit ang serbisyo sa alinman sa 70 accredited Cath Labs sa buong bansa.