Home TOP STORIES Mula sa dating pagiging guro, yaman ng kongresista kinuwestyon ni Panelo

Mula sa dating pagiging guro, yaman ng kongresista kinuwestyon ni Panelo

MANILA, Philippines – Mas masahol pa umano si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo sa pinalitan nito sa House Committee on Appropriations na si Rep. Zaldy Co, ayon kay dating presidential spokesperson at presidential legal counsel na si Salvador Panelo sa isang kolum sa isang pahayagan, at post sa social media ng PDP-Laban.

Tinawag ni Panelo sa post bilang arkitekto ng umanoy pinaka-corrupt na pambansang budget si Co, na pinalitan naman bilang chairman ng Committee on Appropriations sa mosyon na rin ng anak ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na si Rep. Sandro Marcos.

Subalit, sinabi ni Panelo sa nasabing post na mas malala pa umano ang pumalit kay Co sa katauhan ni Quimbo, na tinawag niyang poster girl ng “unexplained wealth.”

Ayon kay Panelo, pinangalandakan ni Quimbo ang kanyang yaman at maluhong pamumuhay matapos maging miyembro ng Kongreso, mula sa pagiging karaniwang guro.

Una nang nanawagan si Panelo sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang yaman ni Quimbo, kasabay ng pagkuwestiyon kung saan nakuha ng mambabatas ang pera para masuportahan ang kanya umanong maluhong pamumunuhay.

Kinuwestiyon din ni Manila Times columnist Rigoberto Tiglao, na dati ring presidential spokesperson, ang kakayahan ni Quimbo na tustusan ang marangya nitong pamumuhay.

Sa taya ni Tiglao, aabot sa halos P100 milyon ang branded bags ng mambabatas, gaya ng Chanel, Dior, Goyard, at Birkin, ang kanyang mamahaling relo gaya ng Patek Philippe at Rolex, at kuwintas na Cartier. RNT