Home NATIONWIDE Bitay sa bigtime durugista muling iminumungkahi ni Sen. Bato

Bitay sa bigtime durugista muling iminumungkahi ni Sen. Bato

MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagpapanumbalik ng parusang kamatayan para sa malalaking drug trafficker kasunod ng kanyang pagkabahala sa mga indibidwal na hayagang ipinapakita ang paggamit ng ilegal na droga sa social media.

Aniya, may mga gumagamit pa ng shabu na ibinovlog ang kanilang aktibidad, na maaaring magdulot ng normalisasyon ng droga sa kabataan.

Binalaan ni Dela Rosa na maaaring makita ng mga kabataan ang paggamit ng droga bilang isang sikat at mapagkakakitaang gawain, na naglalagay sa hinaharap ng bansa sa panganib.

Hinimok niya ang mga lider ng komunidad na makipagtulungan sa paglaban sa problemang ito at suportahan ang mas mahigpit na batas kontra droga.

Simula pa noong 2022, isinusulong na ni Dela Rosa ang parusang kamatayan para sa malalaking drug trafficker, batay sa kanyang mga pag-uusap sa mga nakakulong na drug lord na nagsabing ang pagbibitay sa kanila ay epektibong pipigil sa operasyon ng droga. RNT