Home NATIONWIDE Pagbebenta ng NFA rice pinae-exempt ng DA sa election ban

Pagbebenta ng NFA rice pinae-exempt ng DA sa election ban

MANILA – Humiling ang Department of Agriculture (DA) sa Commission on Elections (Comelec) na payagang maibenta ang mga stock ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) sa mga local government unit (LGU) sa kabila ng election ban.

Ang kahilingan ay kasunod ng pagsisimula ng pamamahagi ng NFA rice noong Peb. 19 sa ilalim ng deklarasyon ng food security emergency. Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., opisyal nilang ipinaalam sa Comelec ang programa at humihiling ng exemption para sa mga LGU na nais lumahok.

Sa ilalim ng programa, maaaring bumili ang LGUs ng NFA rice sa halagang PHP33 kada kilo sa pamamagitan ng Food Terminal Incorporated (FTI) at ibenta ito sa kanilang nasasakupan sa presyong hanggang PHP35 kada kilo. Sa ngayon, 67 LGUs na ang nagpahayag ng interes na makilahok.

Ipinagbabawal ng Comelec Resolution 11060 ang paglalaan ng pampublikong pondo para sa mga serbisyong panlipunan 45 araw bago ang halalan sa Mayo 12. Gayunman, nagbigay na ang Comelec ng exemptions sa ilang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) tulad ng 4Ps, AKAP, WGP, at AICS, sa ilalim ng tiyak na kondisyon. Santi Celario