MANILA, Philippines – Inakusahan ni senatorial aspirant at dating executive secretary Vic Rodriguez ang administrasyong Marcos ng pagsisinungaling at maling paggamit ng pondo ng bayan, partikular sa 2025 national budget.
Sa isang Facebook live video, tinawag niyang “ilegal, hindi balido, imoral, labag sa Saligang Batas, at kriminal” ang nasabing budget, na aniya’y ginagamit sa pamumulitika.
Ayon kay Rodriguez, itinakda na ng Korte Suprema ang oral argument para sa kanyang petisyong ideklarang walang bisa ang budget.
Ibinunyag niya ang umano’y iregularidad, kabilang ang 28 blangkong alokasyon na nagkakahalaga ng P241 bilyon.
Binatikos din niya ang Malacañang sa umano’y pandaraya at pagbabago ng National Expenditure Program nang lampas sa itinakdang limitasyon ng Saligang Batas.
Kinondena rin niya ang mas malaking pondo para sa imprastraktura kaysa edukasyon, na labag sa konstitusyunal na mandato. Binanggit niya ang ulat ng 2nd Congressional Commission on Education tungkol sa kakulangan ng silid-aralan, kagamitan, at lumalaking bilang ng out-of-school youth, na aniya’y resulta ng budget cuts sa edukasyon.
Binalaan niya na inilabas na ang malaking bahagi ng pondo para sa pansariling interes ng administrasyon. Kasama ng ibang petisyoner, plano nilang magsumite ng subpoena para palakasin ang kaso bago ang oral argument sa Abril 1 at hinikayat ang Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order. RNT