Home METRO Pagpapakawala ng palaka vs lamok target ng QC barangay

Pagpapakawala ng palaka vs lamok target ng QC barangay

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng mga opisyal ng Barangay Matandang Balara sa Quezon City ang muling pagpapakawala ng mga palaka upang labanan ang lamok na may dalang dengue matapos ideklara ni Mayor Joy Belmonte ang outbreak noong Pebrero 15.

Ayon kay Barangay Chairman Allan Franza, bumaba ang kaso ng dengue nang gawin nila ito noong 2018 at 2019. Aniya, makakatulong ang mga palaka lalo na sa mga bakanteng lote na hindi nila malinis.

Gayunpaman, kinuwestiyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Health (DOH) ang epektibong bisa ng pamamaraang ito dahil sa kakulangan ng siyentipikong pag-aaral.

Sa ngayon, susundin muna ng barangay ang 5S strategy ng DOH, kabilang ang clean-up drives at kampanya sa publiko. Sinabi ni Franza na ang pagpapakawala ng palaka ay magiging huling opsyon kung sakaling hindi mapigilan ang pagkalat ng dengue.

Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang barangay ng 45 kaso ng dengue. Santi Celario