
NITONG Pebrero 11, 2025 ay nagsimula na ang opisyal na kampanya para sa mga tumatakbo sa pagka-senador at party list representative habang ang mga lokal na posisyon ay sa March 28, 2025 kaugnay sa 2025 National and Local Elections, kaugnay nito ay nanawagan ang Movement for Media Safety Philippines na siguruhing malaya at ligtas ang pagkokober ng mga mamamahayag sa panahon ng eleksyon.
Ginawa ng koalisyon ang panawagan sa Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), mga partido pulitikal, at mga kandidato para magkaroon ng ligtas na kapaligiran na magtitiyak sa isang malinis, kapani-paniwala, at maayos na eleksyon.
Sabi ng koalisyon, ang anomang pag-atake sa mga mamamahayag ay paglabag sa Omnibus Election Code (Batas Pambansa Blg. 881), Revised Penal Code (Act No. 3815), at Fair Elections Act (Republic Act No. 9006).
Pinayuhan ang mga mamamahayag na makaranas ng banta, pananakot, iligal na pagdetine, tortyur, o pisikal na karahasan habang nasa kanilang coverage na iulat ang mga insidente.
Maaaring isumite ang mga ulat sa [email protected] o sa National Union of Journalists of the Philippines Safety Hotline sa 0960-2784263.
Ang panawagan ay sinuportahan ng iba’t ibang organisasyong pang-medya, mga institusyong pang-akademiko, at mga tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag.
Kabilang sa mga lumagda ang Asian Institute of Journalism and Communication, Center for Community Journalism and Development, University of the Philippines College of Media and Communication, Freedom for Media Freedom for All Coalition, MindaNews, at Philippine Center for Investigative Journalism.
Kasama rin ang Philippine Press Institute, Center for Media Freedom and Responsibility, at International Association for Women in Radio and Television- Philippines.
Gayundin ang iba’t ibang organisasyong pang-medya katulad ng Rappler, SunStar Davao, Bukidnon News.net, Palawan News, The Ilocos Times, Mindanao Times, at Leyte Samar Daily Express.
Nagpahayag din ng suporta ang mga independent journalists at kasapi ng Filipino Freelance Journalists’ Guild para sa kampanya.
Maging ang mga internasyonal na tagamasid tulad ng Reporters Without Borders ay paulit-ulit na nanawagan sa pamahalaan ng Pilipinas na palakasin ang proteksyon para sa mga manggagawa sa medya.
Kung matatandaan, noong November 2009, naganap ang pinakamalalang pag-atake sa media sa tinaguriang “Maguindanao massacre” kung 32 mamamahayag ang kabilang sa 58 biktimang pinaslang. Nahatulan noong December 2019 ang karamihan sa angkan ng mga Ampatuan at kanilang mga tauhan ng parusang reclusion perpetua.