MANILA, Philippines – MARIING kinondena ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang pagpatay sa publisher at lifetime member ng nasabing organisasyon na si Juan “Johnny” Dayang.
Si Juan “Johnny” Dayang, dating alkalde ng Kalibo at respetadong miyembro ng pamamahayag, ay namatay noong Martes ng gabi, Abril 29, 2025. Siya ay 89 taong gulang.
Binaril si Dayang sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Andagao, Kalibo, Aklan. Nangyari ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi noong Abril 29, ilang sandali lamang matapos nitong kumain ng hapunan.
Nasa sala umano si Dayang at nanonood ng telebisyon nang pasukin siya ng dalawang salarin at paulit-ulit siyang pinagbabaril.
Nabatid na si Dayang ay chairman emeritus ng Aklan Press Club at dating pangulo ng Publishers Association of the Philippines Inc.
Naglingkod din si Dayang bilang publisher ng Philippine Graphic Magazine at Headline Manila, isang araw-araw na pahayagan. Dati rin niyang pinamunuan ang Manila Overseas Press Club.
Sa pamumuno ni Leonel “Boying” Abasola, nanawagan ang NPC sa Presidential Task Force on Media Security at iba pang kinauukulang awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente at agarang mabigyan ng hustisya ang mga responsable sa pagkamatay ni G. Dayang. JR Reyes