MANILA, Philippines – Patay ang isang criminology student graduate maatpos kuyugin ng mga residente sa Malate, Maynila matapos mapagkamalang magnanakaw.
Base sa imbestigasyon na hinabol umano ng biktimang si Christian Ambon ang nagnakaw ng kanyang selpon na si alyas ‘Junjun.”
Umabot ang habulan sa isang bahay, pero nabaligtad siya nang sumigaw ang babae na nakatira doon ng magnanakaw. Dito na umano siya nasaksak at pinagtulungan ng taong-bayan na bugbugin.
Ayon sa ina ng biktima na si aling Bonifacia, gumamit pa ng tubo, kahoy at tinali pa ng sintas ang kamay ng kanyang anak. Bukod sa bugbog, tadtad pa ng saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Sa kabilang banda, sinubukan pa ng mga kaibigan ng biktima na sumaklolo nang mabalitaang binubugbog ito at para makuha mula sa pagkakakuyog ngunit wala na silang nagawa.
Bukod dito, sinabihan din sila na baka madamay sila sa komosyon. Nagalit din umano ang isang lalaki nang tangkain nilang isugod sa ospital ang kaibigan pero walang pumapayag at pinipigilan sila.
Makalipas ng apat na araw sa ospital ay binawian na ng buhay ang biktima na labis na hindi matanggap ng kanyang pamilya.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Manila Police District (MPD) kaugnay sa insidente. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)