BACOLOD CITY — Isang 19-anyos na lalaki ang umano’y sumaksak at nakapatay sa kanyang 66-anyos na lola sa kanilang bahay sa Barangay Pahanocoy noong Pebrero 23.
Ayon kay Police Capt. Greeky Cayao, hepe ng Police Station 8, nag-ugat ang insidente matapos masaksihan ng suspek ang pagtatalo ng kanyang ina at lola.
Dahil dito, kumuha ang suspek ng kutsilyo sa kusina at pinagsasaksak ang kanyang lola, na nagtamo ng maraming sugat at kalauna’y idineklarang patay sa ospital.
Arestado ang suspek ng mga barangay tanod at agad na itinurn-over sa pulisya. Narekober din ang ginamit na patalim.
Ayon sa pamilya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naging marahas ang suspek, na naninirahan sa bahay ng kanyang lola mula pa noong Oktubre ng nakaraang taon.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong parricide. RNT