PWERSAHANG inalis sa pwesto ng mga Amerikano si Venezuela President Nicolas Maduro at idineklara nilang sila ang mamamahala sa gobyerno rito hanggang sa makapagpaupo sila ng kanilang kakampi.
Nakabilanggo ngayon si Maduro at haharap umano sa mga kasong nauugnay sa droga at pinakamabigat umanong hampas ng batas ng United States ang haharapin nito dahil sa pagpapalaganap ng droga.
Kasama sa mga inaakusa kay Maduro ang malupit umanong pamumuno nito, kasabay ng pagpapairal ng illegitimate umanong pamahalaan sa pandaraya umano sa halalan laban sa kandidato ng Amerikano na si Juan Guaido.
Sa kabilang dako, hindi ang mga ito umano ang tunay na dahilan ng mga Amerikano para sibakin si Maduro sa pwesto kundi ang langis ng Venezuela na may pinakamalaking deposito sa buong mundo at para makontra ang paggapang ng impluwensya ng Russia at China na ikahihina ng ekonomiya at impluwensya ng Amerika sa Latin Amerika.
Ayon sa mga nakaaalam, maraming kompanyang Amerikano na nagrerepina ng langis para maging gasolina, diesel, kerosene, aviation fuel at iba pa ang nagkakrisis o nagsasara nang paliitin ni Maduro ang suplay ng langis sa Amerika at nitong huli, nang ganap na hindi na magsuplay si Maduro ng langis at magbenta na lang sa China at iba pang mga bansa.
Aabot sa 18-20% ng suplay ng langis sa buong mundo ang hawak ng Venezuela.
Nadiskubre rin ng Brazil ang pinakamalaking deep oil reserve sa mundo sa teritoryo nito at ito ang pinakamalaking oil producer sa South Amerika ngayon.
Kapag pagsama ang langis ng Venezuela at Brazil, kasama ang sa Mexico, Argentina at Ecuador, walang hanggan ang mga ito na pagkukunan ng murang langis ng Amerika.
Kaya naman ganun na lang ang interes ng Amerika na kontrolin ang lahat ng gobyerno sa Latin Amerika at paggamit nito ng dahas sa sinomang lider na kumawala at magtayo ng independiyenteng bansa sa kontinente.






