SIMULA noong Enero 2, 2026, inaasahang sisimulan na ng Land Transportation Office ang mahigpit na apprehension at impoundment laban sa mga e-trike at iba pang light electric vehicles na lalabag sa kanilang polisiya.
Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, tapos na ang palugit at wala nang extension. Ngunit bago ang parusa, isang mahalagang tanong ang dapat munang sagutin: malinaw na ba talaga ang polisiya para sa karaniwang mamamayan?
Ipinunto ng LTO na ang palugit ay ibinigay upang magsagawa ng malawakang information campaign. Ngunit sa aktwal na sitwasyon sa mga kalsada, kapansin-pansin na marami pa ring e-trike users ang nalilito. Hindi malinaw kung saan sila ganap na ipinagbabawal, saan sila pinapayagan, at ano ang eksaktong batayan ng huli. Ang sabi ng LTO, saklaw ng “strict enforcement” ang lahat ng e-bikes, e-trikes, e-mopeds, e-scooters at light electric vehicles na dadaan sa national at major highways—kabilang ang EDSA, circumferential roads, at radial roads.
Ngunit paano ang bike lanes sa major roads? Maaari ba silang dumaan doon o ituturing din itong paglabag? Pinapayagan naman daw ang e-trikes sa subdivision at barangay roads, ngunit paano kung ang drayber ay walang lisensya, o ang e-trike ay hindi rehistrado? Paano kung ito ay ginagamit sa pamamasada bilang pangunahing hanapbuhay? May malinaw bang patakaran o dire-diretsong huli na lamang?
Pinapayagan din daw ang e-trikes kung tatawid lamang ng national roads. Subalit hanggang saan ang saklaw nang “pagtawid”? Sa Commonwealth Avenue, halimbawa, libo-libong residente ang umaasa sa e-trikes araw-araw. Kung magmumula sa Batasan Road patungong Commonwealth Market, hindi ito simpleng tawid dahil sa ginagawang Metro Railway Transit sa gitna ng kalsada. Kailangang bumaybay ng ilang metro upang makapag-U-turn. Ito ba ay pahihintulutan, o ituturing na paglabag at agad na pagmumultahin?
Dumarami ang gumagamit ng e-trikes dahil ito ay abot-kaya, praktikal, at tumutugon sa kakulangan ng maayos na pampublikong transportasyon. Totoo, kailangan ang regulasyon upang masiguro ang kaligtasan ng lahat. Ngunit kasinghalaga nito ang malinaw, makatarungan, at makataong pagpapatupad ng patakaran. Ang kalituhan ay hindi dapat pinaparusahan. Kung hindi pa ganap na malinaw ang polisiya, mas makabubuting huwag muna itong ipatupad. Ang batas ay dapat magbigay-gabay—hindi manghuli ng naliligaw.






