MANILA, Philippines — Iniutos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagsasampa ng criminal, administrative at civil cases laban sa dalawang dating opisyal ng Correctional Institution for Women (CIW) at limang iba pang personnel kaugnay ng umano’y iregularidad sa Persons Deprived of Liberty (PDL) Trust Fund.
Kabilang sa haharap sa administrative proceedings sina dating CIW superintendents Daisy Sevilla-Castillote at Marjorie Ann Sanidad, gayundin sina Bianca Flor Ramos, Maryrose Abucay, Madel Figuerres, Gloria Lakisa at Charlot Jennifer Carreon.
Batay sa imbestigasyon ng BuCor Directorate for Intelligence and Investigation, hindi umano maipaliwanag ni Ramos, dating CIW Trust Fund Officer, ang nasa P5.15 milyon na pondo.
Sa hiwalay na audit naman ng Internal Audit Service Unit, umabot sa P6.4 milyon ang hindi pa accounted na halaga, bagama’t sinabi ng BuCor na kailangan pang i-reconcile ang pagkakaiba sa dalawang findings.
Nahaharap naman si Castillote sa reklamong gross neglect of duty at grave misconduct dahil umano sa kabiguang mabantayan at maayos na mapangasiwaan ang trust fund.
Inakusahan din siyang nag-awtorisa umano sa paggamit ng bahagi ng PDL Trust Fund para sa renovation at improvement ng ilang pasilidad sa CIW, na sinasabing labag sa umiiral na polisiya sa paggamit ng naturang pondo.
Samantala, si Sanidad ay sinasabing nag-awtorisa ng P300,000 advance mula sa trust fund para sa isang remittance na inilaan sa mga PDL.
Sinabi ng BuCor na ang mga pagkukulang ng mga sangkot na personnel ay nagresulta sa mga kahinaan sa recording, documentation, monitoring at reconciliation ng PDL Trust Fund transactions. Dave Medina